Bayani Agbayani, excited na maging lolo

ABS-CBN News

Posted at Feb 27 2020 11:16 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Hindi matatawaran ang kasiyahan ni Bayani Agbayani ngayong malapit na siyang maging lolo.

Buntis ngayon ang panganay na anak ni Bayani na si Thalia Rogacion sa nobyo nitong si James Carlos na kapatid naman ni Bea Alonzo.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, ibinahagi ni Bayani na masaya siya sa nalalapit na pagdating ng kanyang apo. 

"Natuwa ako kasi ang bata ay gift 'yan sa atin ng Panginoong Diyos. Nasa edad na rin naman si Thalia at saka tapos na naman sila. Si James ay tapos na rin, nagtatrabahp po sila at may negosyo na sila. Naku, ako excited po ako sa apo ko," ani Bayani.

"Alam niyo in-enroll ko na sa school, naka-enroll na siya advance ang bilis. Binilhan ko na siya ng jersey na pang-basketball," dagdag na biro ng komedyante.

Sa programa, nagbahagi rin si Bayani sa naging baby shower na ibinigay ni Bea para kay Thalia.

"Napakasaya, nandoon sina Bea. Ang mapapangasawa kasi ni Thalia na si James ay kapatid ni Bea Alonzo. Dalawa lang silang magkapatid," ani Bayani.

"Kamukha ko 'yung mapapangasawa niya, si James," hirit na biro pa ni Bayani.

Ayon din kay Bayani, masaya si Bea sa nalalapit na kasal ng kapatid at ni Thalia.

"Naku, tuwang-tuwa nga si Bea. Alam mo sabi ni Bea kapag nanganak si Thalia kanya na lang 'yung anak," ani Bayani.

"Alam mo ba ang niregalo ni Bea, lahat ng regalo namin tinumbasan niya ng tatlong beses. Ang dami iba-iba hindi na nga nabuksan sa dami," dagdag ni Bayani.

Nang matanong naman kung ano ang naging payo niya sa anak na si Thalia at James, sagot ni Bayani: "Alam mo sabi ko nga kay James at Thalia, 'Thalia, James napakabata niyo pa, sayang marami pang mga magaganda at pogi kayong makikilala.' Pero dahil tapos na naman po si Thalia ng college at isa na siyang chef, sabi ko sa kanya, 'kung mag-aasawa kayo dapat ay panindigan niyo habambuhay ay kayong dalawa ang magmamahalan, habambuhay kayong dalawa ang maganda at guwapo para sa mga paningin niyo.'"

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.