'Iyak siya nang iyak': Boss Vic ng Viva nagkuwento tungkol sa nangyari sa kasal nina Sarah at Matteo

ABS-CBN News

Posted at Feb 24 2020 04:48 PM | Updated as of Feb 24 2020 08:18 PM

MAYNILA -- Walang nakita at walang alam si Sarah Geronimo sa reklamong may sinuntok 'di umano ang kanyang asawa na si Matteo Guidicelli noong Huwebes ng gabi, Pebrero 20, matapos ang kanilang kasal sa Taguig.

Ito ang sinabi ni Viva Entertainment founder and chairman Vicente del Rosario sa panayam kay Raffy Tulfo sa radyo nitong Lunes, matapos magreklamo ang bodyguard mismo ni Sarah na si Jerry Tamara na sinaktan siya ni Matteo.

"Nung dumating ako agad-agad si Mommy Divine at si Sarah ang kausap ko. So 'yung insidente mismo na kinukuwento niya ay wala pa ako roon. Ang alam ko dumating si Mommy Divine dahil nasorpresa, in a way parang nag-gate crash siya roon sa party. Nagkaroon ng konting pag-uusap at pagtatalo. I think ang buong eksena na 'yon, siyempre si Sarah ang apektado at siya 'yung nasa gitna. Iyak siya nang iyak, 'yun ang alam kong nangyari," ani del Rosario.

Kuwento pa ni del Rosario, si Matteo mismo ang tumawag sa kanya para mamagitan sa nangyayaring kaguluhan.

"Si Matteo ang tumawag sa akin dahil siyempre sabi niya baka mabuti ay dumating ka rito at maawat ang gulo. Agad-agad tumakbo ako roon siguro walang 10 or 15 minutes nandoon ako. Naabutan ko sa kuwartong 'yon ay si Sarah at saka si Mommy Divine at ang kanyang bodyguard. Agad-agad sabi ko kay Sarah, lumabas ka kami na lang ni mommy mo ang mag-uusap. Nag-usap kami more than an hour dahil hinihintay ni Mommy Divine ang kanyang asawa na si Delfin para dumating. So hindi ko na alam ang nangyari. Pagkatapos noon ay umalis na rin si Sarah kasama ang kanyang asawa, si Matteo, at ang alam ko sumunod ang kanyang bodyguard. Kinabukasan nakausap ko si Sarah, wala siyang nakita at wala siyang alam na sinuntok na bodyguard daw ni Matteo. Ayon kay Sarah, hindi totoo 'yon, walang baril, wala lahat, wala siyang nadinig. So 'yun lang ang masasabi ko. Kasi kami ni Mommy Divine all the time nasa kuwarto kami nag-uusap," ani del Rosario.

Ayon kay del Rosario, nabigla ang ina ni Sarah sa nangyari.

"Noong time na 'yon parang hysterical, siyempre marami siyang galit na sinasabi. Ako naman siyempre binibigyan ko siya ng time na ilabas niya ang kanyang sama ng loob," ani del Rosario.

Pagbabahagi pa ni del Rosario, sa naging usapan nila ng ina ni Sarah ay pinayuhan niya itong tanggapin na lang ang desisyon ng dalawa na magpakasal.

"Sabi ko, 'Mommy, nag-asawa na. Desisyon ni Sarah at Matteo 'yon, so pagbigyan na natin.' Siguro a typical mother na nagulat, nabigla 'yun ang reaksiyon niya nung time na 'yon. Pero tingin ko it's just a matter of time ay maayos lahat yan.' So ang pakiusap ko rito kay... parang 'yung insidente na 'yon about Sarah and Matteo ay personal so kung mayroon man nangyayri, ang alam ko noong pumapasok ang bodyguard ni Sarah sa room, siyempre bilang asawa ang sabi ni Matteo ay hayaan mo muna kaming makapag-usap. I think 'yon lang. Hindi siya nakapasok sa room na magkasama ang mag-asawa," ani del Rosario na iginiit na walang nakita si Sarah na may sinaktan ang kanyang asawa.

Bago magsalita si del Rosario, una nang nagbigay ng detalye ang bodyguard ni Sarah na sinuntok siya ni Matteo sa leeg.

Giit ni Tamara, hindi siya nagkalat ng tsismis kung hindi nag-report lang sa ina ni Sarah dahil sa trabaho niya ito.

Sa huli, sinabi ni Tamara na nais niyang sampahan ng kaso si Matteo.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.