MAYNILA – Hindi maiwasan ng talent manager na si Ogie Diaz na manghinayang sa karera ng dating alagang si Liza Soberano dito sa Pilipinas.
Sa inilabas nitong vlog nitong Huwebes, nagbigay ng opinyon si Diaz tungkol sa biglang pagkawala ng mga post ni Soberano sa kaniyang Instagram at YouTube channel na inakala ng marami na na-hack.
Ayon kay Diaz, naaapektuhan siya sa mga negatibong komento sa aktres patungkol sa tinatahak nitong bagong landas sa kaniyang showbiz career.
“Nanghihinayang ako sa career ni Liza. Wa echos kasi andun na siya e. Nahe-hurt ako bilang former manager na nakakabasa ako na 'ano na ginagawa ni Liza sa sarili niya? Bakit nag-iiba na siya ng direksyon?'” kuwento nito.
“Nanghihinayang ako kasi pinaghirapan naming lahat ito kung saan siya nandoon.”
Ngunit nais na lamang umano niyang unawain ang mga desisyon ni Soberano lalo pa’t iba na rin ang management nito at sa Amerika na niya nais sumubok bumuo ng pangalan.
Paglilinaw din nito, hindi nagkulang ang ABS-CBN sa pag-aalok ng proyekto kina Soberano at nobyo nitong si Enrique Gil noon kagaya na lamang sana ng Philippine adaptation ng hit Korean series na “It’s Okay Not To Be Okay” na tinanggihan umano ng dalawa.
Ibinahagi rin nito na base sa nakarating sa kaniya, hindi na-hack ang social media accounts ni Soberano. Tingin ni Diaz ay parte ito ng “rebranding” ng artista.
“Kusa 'yun ginawa ni Liza. 'Di ko alam kung ano ang personal na rason ni Liza. Pero ang nababasa ko ay may bagong simula atang magaganap,” saad ni Diaz.
Ngunit para sa kaniya, hindi na sana ito ginawa ni Soberano lalo pa’t parte ito ng kaniyang nakaraan.
“Sa akin lang, feeling ko, dapat hindi niya na tinanggal 'yun. Kasi memories 'yan e. History mo 'yun. 'Yun ang dati mong mukha. 'Yan ang dating ikaw. Ngayon, kung ito na 'yung totoong ikaw, eh di, that’s another chapter in your life, in your career,” paliwanag ni Diaz.
Noong nakaraang taon, lumipat ng management si Soberano sa ilalim ng Careless Music sa pangunguna ni James Reid.
KAUGNAY NA BALITA
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.