Angelica, tahasang sinagot kung si John Lloyd ang pinatatamaan sa mga 'hugot'

ABS-CBN News

Posted at Feb 22 2018 12:45 PM | Updated as of Feb 23 2018 11:38 AM

Si John Lloyd Cruz nga ba talaga ang pinariringgan ni Angelica Panganiban sa kaniyang mga "hugot" statement tungkol sa isang ex?

Iyan ang tahasang tanong kay Panganiban matapos ang two-night sold-out concert ni Moira dela Torre noong weekend kung saan nag-perform ang aktres ng isang spoken word piece.

Giit ni Panganiban, malaya ang taumbayang humusga at manghula kung sino ang kaniyang pinatatamaan pero karapatan aniya maglabas ng hinanakit bilang isang "nasaktan."

"Sorry ha pero hindi lang naman siya 'yung naging naka-relasyon ko. Puwede naman tayong mag-assume lahat... Sila na ang bahala dun. Nagsalita ako, sinabi ko ang gusto ko, freedom ko 'yun, freedom ng mga nasaktan at nagmahal 'yun," ani Angelica.

Si Cruz ay kasalukuyang karelasyon ang aktres na si Ellen Adarna, na di umano'y nagdadalang-tao.

Hindi ito ang unang pagkakataong inilantad ni Panganiban ang kaniyang mga hinanakit sa "ex" sa pamamagitan ng hugot.

Madalas din mag-viral ang mga "patama" ni Panganiban sa kaniyang Youtube show na "Ask Angelica."

Malapit sa puso ni Panganiban ang mga hugot lines, na nagsimula sa pelikula niyang "That Thing Called Tadhana" na ngayon'y usap-usapang may sequel.

Ani Panganiban, game siya sa part 2 ng naturang pelikula.

"Alam mo 'yung tandem naming tatlo nila direk Tonette [Jadaone] at JM [de Guzman], para siyang nagkaroon na lang ng magic, sa harap at sa likod ng camera merong relationship," kuwento ng aktres.

Samantala, kilig na kilig ang fans sa "CarGel" tandem, ang tambalan nila ng kaniyang ex na si Carlo Aquino.

Tanong ng marami, may balikan nga bang magaganap?

"Hindi ko alam, hindi ko alam...[Pero oo,] nag-dinner naman kami nung Valentine's Day," pag-amin ni Panganiban.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.