Sarah, Matteo, Mommy Divine trending sa Twitter sa gitna ng kontrobersyal na kasalan

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 06:15 PM

MANILA - Marami ang nagulat sa biglaang balita na ikinasal na ang Kapamilya star na si Sarah Geronimo at ang long-time boyfriend nito na si Matteo Guidicelli.

Pero mas marami ang nabigla sa balitang sinuntok ng aktor ang close-in security ng singer sa paniwalang ito ang nag-leak ng impormasyon sa kanilang kasal.

Bigla kasi umanong dumating ang ina ni Sarah na si Mommy Divine at humiling na makausap ang anak.

Agad bumaha ng mga komento sa Twitter kaugnay ng kontrobersyal na insidente.

Si Mommy Divine ay number 7 trending topic worldwide, kahanay ng mga hashtag sa big comeback ng top K-pop group na BTS.

Sa Pilipinas, bumandera sa top 4 ang "Sarah," "Mommy Divine," "Matteo," at "#AshMatt." Number 10 naman ang "Mrs. Guidicelli" habang humabol pa sa number 12 ang "Divine Intervention."

Sa kabila ng mga isyu, "spread positivity and happiness" ang panawagan ng ilang fans lalo na masayang okasyon anila dapat ang kasal nina Sarah at Matteo.

Hindi rin naging hadlang ang kontrobersya para ipaabot ng ilang fans ang kanilang pagbati sa bagong-kasal.

At bagama't nagpahayag pa rin ng kalungkutan ang ilan dahil sa insidente, todo-suporta pa rin sila sa mag-asawa.

Pero ang ilan, hindi nagpaawat at ginamitan na rin ng memes ang isyu.