Ama ni Kylie Verzosa, handa na sakaling magpakasal ang anak kay Jake Cuenca

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2020 11:39 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Sa bihirang pagkakataon, nakasama ni Jake Cuenca ang ama ng kanyang nobya na si Kylie Verzosa sa naging pagbisita nila sa "Magandang Buhay." 

Nitong Biyernes, isang mensahe ang ipinaabot ni Jake kay Ari Verzosa, ama ni Kylie.

"Nag-post ako nung birthday niya na sabi ko parang 'yung binibigay ko higit sa lahat ay 'yung loyalty ko. Para sa akin parang sobrang naa-appreciate ko ang lahat ng pag-aalaga, lahat ng pagmamahal na ibinibigay sa akin ni Kylie at gusto ko 'yon na suklian ng sobra-sobra pa," pauna ni Jake.

"Para naman kay Tito, alam ko na masakit para sa isang ama na 'yun na nga may kahati sa puso ng anak. Pero gusto ko ring malaman niyo Tito na mayroon na ring isa pang tao na nagmamahal sa inyo at ako po 'yon," mensahe ni Jake sa ama ni Kylie.

Dahil sa narinig ay hindi naman napigilan ni Kylie ang maging emosyonal.

"Parang nakakataba ng puso na hindi ko na alam ang sasabihin ko. Honestly, daddy's girl talaga ako 100,000%. Taga-Baguio rin sila, ako dito na sa Manila, at hindi ko pa rin talaga siya malilimutan. Lagi kaming magka-text morning and night. 'Yung narinig ko 'yung sinabi ni Jake ay parang okay na ako, parang happy na ako, kumpleto na ako," ani Kylie. 

Nauna nang inamin ng ama ni Kylie na kahit may kirot sa puso niya na may kahati na siya sa pagmamahal ng anak ay naniniwala siyang magtatagal ang relasyon nina Kylie at Jake.

Nang matanong kung handa na ba siya sakaling lumagay na sa tahimik ang magkasintahan, sagot ng ama ni Kylie: "Am I ready? Kanina nga habang nagbibihis si Kylie tapos nakita ko puti, biglang pumasok sa isip ko 'oh my gosh! Magkakatuluyan ito.' She's in white, it looks like you are in wedding dress. If you are asking me if I can read people, ito na nga 'yun ang nakita ko habang nakaputi siya. And it felt good, like ito na 'yon. So handa na ako, handa na ako."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.