Sharon, Gabby, nagka-ilangan sa shoot ng patalastas?

ABS-CBN News

Posted at Feb 21 2018 09:02 PM | Updated as of Oct 04 2018 06:49 PM

Marami ang kinilig nang lumabas kamakailan ang patalastas ng fast food chain tampok ang tamabalan nina Sharon Cuneta at Gabby Concepcion.

Inamin ni Sharon Cuneta na nagkaroon ng ilangan sa pagitan nila ni Gabby Concepcion nang unang magkita sa shoot ng patalastas ng isang fast food chain.

Sa thanksgiving lunch ng pelikulang "Unexpectedly Yours" noong Martes, hindi umurong si Cuneta sa pagsagot ng mga tanong hinggil sa proyekto nila ng dating mister.

"I was with my team. After a while, parang nagkaroon ng kaunting commotion. Pagtingin ko, siya. Sabi niya, ’I brought you fruits.’ Nag-thank you lang ako, tapos, 'O sige see you later." Alam mo na nagkakailangan kami," kuwento ni Cuneta.

Pero ayon kay Cuneta ay agad namang nawala ang pagka-ilang nila sa isa't isa.

Kinamusta rin umano nila ang isa't isa at pinag-usapan ang kanilang anak na si KC.

"Nagkuwentuhan na kami about KC. Kinukuwento ko sa kaniya si Miguel, 'yung mga anak ko. Very nice naman. Tapos 'yung hilig niya sa dagat na nakuha din ni Kace," ani Cuneta.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang patalastas nina Concepcion at Cuneta ang unang beses na nagkasama sila muli sa isang proyekto mula noong 1992 para sa pelikulang "Tayong Dalawa."

Hindi umano inasahan ni Cuneta na magiging patok ang kanilang balik-tambalan sa social media.

Matapos ang patalastas, sinabi ni Cuneta na bukas siya sa posibilidad na makatrabaho muli si Concepcion.

Kasama sa salo-salo ang mga co-star ni Cuneta sa "Unexpectedly Yours" na sina Robin Padilla, Joshua Garcia at Julia Barretto.

Kumita ang worldwide showing ng pelikula ng halos P300 milyon.

-- Ulat ni Jeff Fernando, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.