Ilang Kapamilya stars na nag-renew ng kontrata, naglabas ng saloobin sa franchise issue

ABS-CBN News

Posted at Feb 20 2020 06:20 PM | Updated as of Feb 20 2020 07:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Hindi naiwasan ng ilang stars na nag-renew noong Miyerkoles ng kanilang kontrata sa ABS-CBN na maglabas ng saloobin kaugnay sa pagbibigay ng bagong prangkisa ng network.

Ayon kay “Magandang Buhay” host Karla Estrada, hindi siya nag-aalala kaugnay sa franchise renewal ng ABS-CBN.

“One-hundred percent hindi kami nagwo-worry kasi hindi ka naman talaga dapat nag-aalala lalo na kung ang layunin mo ay talagang makapagpasaya at makatulong sa mas nakararami,” ani Estrada.

Ipinagdadasal naman ni Melai Cantiveros, na isa ring host ng “Magandang Buhay,” na malampasan na ng ABS-CBN ang hamon sa franchise renewal.

“Kaming mga artista, nandito kami to support and encourage each other, lalo na sa aming mother network,” ani Cantiveros, na nag-umpisa ang karera sa show business sa pagsabak niya noong 2009 sa “Pinoy Big Brother.”

Ayon naman kay Carlo Aquino, hindi niya maisip ang buhay na walang ABS-CBN.

“Ito na ‘yong kinalakihan ko eh,” ani Aquino.

“Dito ako natutong umarte, kumanta. Sila nag-hone ng skills ko at ‘yon ang gagawin nila sa mga susunod na generations,” dagdag niya.

Naniniwala rin si Aquino na mabigyan man ng franchise o hindi, patuloy raw seserbisyuhan ng ABS-CBN ang sambayanang Pilipino.

‘’Yon na ‘yong ginagawa nila for over 60 years,” aniya.

Nagbigay din ng kaniyang opinyon si JC De Vera, na naka-7 taon na sa Kapamilya network.

“ABS-CBN is here for a reason and hindi naman siya tatagal for how many years kung wala naman talagang natulungan 'yong network,” ani De Vera.

“Ako bilang employee nila (ABS-CBN), we have the same agenda, which is to serve and entertain,” anang aktor.

Bukod sa apat, mananatili ring Kapamilya sina Regine Velasquez, Ogie Alcasid at Kit Thompson matapos pumirma ng mga bagong kontrata.

Nakatakdang mapaso ang prangkisa ng ABS-CBN sa Marso. Hindi naman bababa sa 11 panukalang layong mabigyan ng bagong franchise ang network, ang nakabinbin sa Kamara.

Hiniling ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang franchise ng network dahil sa ilan umanong paglabag. -- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.