Miss Universe Catriona Gray balik Pilipinas para sa homecoming

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2019 11:01 AM | Updated as of Feb 17 2019 12:03 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA (UPDATE) - Nakabalik na sa bansa si Miss Universe Catriona Gray, Sabado, para paghandaan ang kaniyang homecoming at ang Binibining Pilipinas TV special sa isang linggo.

Walang pormal na welcome reception na ginanap sa Ninoy Aquino International Airport para kay Gray, at sinalubong lamang siya ng grupo ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines at isang private sponsor.

Nauna nang ni-request ng Miss Universe na dapat maging pribado ang kaniyang pagdating.

Official start ng homecoming activities ni Gray sa February 20 pictorial at shoots para sa ABS-CBN at Binibining Pilipinas.

Inihahanda na rin ang dalawang karosa para sa kanyang homecoming parade sa February 21 at 23 sa Metro Manila.

“Pinaplano na ang traffic plan natin diyan. Pinag-uusapan na ng lahat ng involved sa event na iyan,” ani Danny Lim, chairman ng MMDA.

Dinisenyo ng premyadong designer na si Fritz Silorio at dalawang float ni Gray na sunod sa pamosong “lava gown” ng designer na si Mak Tumang, na hinahanda na rin ang kaniyang homecoming wardrobe.

“Kailangan komportable siya sa parada. Iyon ang gusto niya. Lahat ng isusuot niya inspired sa Philippine culture,” ani Tumang.

Bukod sa special commemorative stamp ng PhilPost, ginawan na rin ng original song composition na “Filipina Girl” si Gray ng grupo nina Billy Crawford, James Reid at Markus Davis. Kakantahin ito sa “It’s Showtime” tribute kay Gray sa ABS-CBN Day sa February 22.

Star-studded naman ang Kapamilya tribute kay Gray sa February 24 sa Araneta Coliseum na pinamagatang “Raise Your Flag.”

Nakalatag ang charity visits ni Gray at courtesy calls niiya kina Vice President Leni Robredo at Senator Manny Pacquiao.

Nilinaw naman ni dating Ilocos Sur Gov. Chavit Singson na wala siyang magiging partisipasyon sa homecoming ni Gray.

Ayon kay Singson, ipauubaya niya muna sa Binibining Pilipinas ang homecoming event para hindi siya maakusahan ng pamumulitika sa panahon ng halalan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.