KZ, naisip umatras sa 'Singer 2018' dahil kay Jessie J

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 11:46 AM | Updated as of Sep 19 2018 04:58 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Inamin ni KZ Tandingan na naisip niyang umatras sa "Singer 2018" matapos niyang malaman na ang kanyang idolo na si Jessie J ang isa sa mga makakalaban niya.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, sinabi ni KZ na nalaman lang niya na si Jessie J ang kalahok mula sa United Kingdom noong siya ay makapasok na mismo sa kompetisyon.

"Nag-text ako sa aking manager. 'Sigurado po ba tayo? Baka naman puwedeng umatras na lang tayo?" pagbabalik-tanaw ni KZ.

Pero sa kabila ng kanyang kaba, sinabi ni KZ na nasabik siyang makilala ng personal ang kanyang idolo.

Pag-amin ni KZ, nabigla siya sa naging pagkikita nila ni Jessie J.

"Alam ko talaga eventually on that day mami-meet ko siya kasi, after ng performance, may isang holding area doon na doon lahat uupo ang tapos na para panoorin ang remaining performers. Itong meeting namin ay nangyari mga four hours o five hours before taping. Since I'm a challenger, 'yung holding area ko parang wala pa roon sa 'PBB' house nila; nandoon pa sa labas, tapos may banyo. Everytime na dumadaan sila at gusto nilang magbanyo, dadaan sila sa holding area. So 'yung music parter ko ay paalis, so nakabukas 'yung pinto," ani KZ na nakatanggap pa ng yakap mula sa "Price Tag" singer.

"Nag-e-English kami, so na-curious daw siya na may nag-e-Eglish kasi wala raw siyang kausap na nag-e-English. Pag-tingin ko lumabas 'yung ulo niya, hindi na makahinga. Sabi ko, 'mommy, mommy, mommy.' Tapos lumapit siya. Hindi talaga ako makahinga as in literal nakalimutan ng katawan ko kung paano huminga. Ngawa talaga ako. Tapos tinatanong niya, 'Why are you crying?' Tapos sabi ng music partner ko kasi happy siya. Tapos 'di ako makapag-explain kasi hindi ako makapagsalita. Tapos gusto niya tumabi ako sa kanya. Hindi ako makatabi siyempre mas gusto ko na titigan siyang ganyan," dagdag ni KZ.

Ayon kay KZ, naging maganda ang epekto ng pagkikita nila ni Jessie J sa kanyang performance.

"Sobrang laking naitulong sa pag-uusap na 'yon with her sa performance ko kasi sobra niya akong ini-encourage," ani KZ na nagpsalamat din sa lahat ng mga Filipino na nagpakita ng suporta sa kanyang laban.

Sa ngayon ay naghahandang bumalik si KZ sa China para muling lumaban sa "Singer 2018."
 
Bumisita si KZ sa "Magandang Buhay" para anyayahan ang kanyang fans na manood ng concert nila ng kanyang nobyo na si TJ Monterde sa February 17 sa Cagayan de Oro.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.