KZ, Mandarin ang susunod na kanta sa 'Singer 2018'

ABS-CBN News

Posted at Feb 16 2018 09:38 PM | Updated as of Sep 20 2018 01:16 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

"Ito yata 'yung isa sa pinakamahirap kong ginawa sa buong career ko."

Ganito inilarawan ni KZ Tandingan ang kanyang inaabangang performance sa Week 6 ng kompetisyong "Singer 2018" sa China. 

Iwas pa sa pagbibigay ng detalye si Tandingan.

Pero sa teaser ng episode na ipalalabas ngayong gabi, kakanta ng Mandarin si Tandingan.
        
Mahalaga ang performance niyang ito dahil ia-average ang ranking noong Week 5 at ang makukuha niya sa Week 6, at dito malalaman kung magiging regular contestant siya ng singing show. 

Sa rehearsal, pinupulido ni Tandingan ang kanta, lalo na ang bigkas at tono, na naging isang malaking hamon sa kanya.
    
Kumuha pa siya ng coach para sa Mandarin lessons. 

At dahil Chinese New Year, naki-celebrate si Tandingan kasama ang iba pang singers.
    
Sa isang masayang laro, nagbasag sila ng golden egg.
    
"Nanalo ako ng trip for two to New Zealand, pero ibibigay ko din sa nanay at tatay ko 'yun," ani Tandingan. 

Umaasa si Tandingan na magtutuloy-tuloy ang suwerte at makakaabante pa sa mga susunod na round ng kompetisyon. 

Matatandaang naging trending si Tandingan nang matalo sa nasabing singing show ang international pop star na si Jessie J.

 --Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News