Zanjoe at Maja, excited sa kanilang bagong tambalan

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Feb 15 2018 12:37 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Matutuloy na rin ang pagtatambal nina Maja Salvador at Zanjoe Marudo sa pelikulang "To Love Some Buddy," isang sexy romantic comedy sa direksyon ni Jason Paul Laxamana para sa Star Cinema.

Kapwa excited sina Maja at Zanjoe na magkatrabaho sa isang proyekto.
 
"Finally! Nagkatagpo na kami ni Z. May ginawa kami dati na 'Your Song' pero ang nene ko pa noon," ani Maja.

"Excited ako talaga makatrabaho si Maja matagal na. Buti nga nangyari eh. Kasi baka mamaya 40 na ako," ani Zanjoe.

Matagal ng plano na pagsamahin sa isang project sina Maja at Zanjoe pero dahil sa 'di magtagpong schedule ay naurong ang proyekto.

Pero ayon kay Maja at Zanjoe, sulit ang paghihintay dahil maganda ang gagawin nilang pelikula pambuena mano ng kanilang bagong tandem.

"Ang tagal na nai-pitch sa atin ito last year kaso busy magpaka- 'Wildflower,'" ani Maja.

Ngayong Marso, target na simulan ang shooting ng "To Love Some Buddy" na kinasasabikan na ng fans.