Nag-propose na si Whamos Cruz sa nobyang si Antonette Gail. Mula sa vlog ni Whamos
MAYNILA – Engaged na ang content creator na si Whamos Cruz sa kaniyang nobya na si Antonette Gail.
Kasabay ng Valentine’s Day, inilabas ni Cruz ang bagong vlog kung saan ipinakita niya ang ginawang proposal sa ina ng kaniyang anak.
“Gusto ko nang pakasalan si Antonette. At hindi ako nagdalawang isip na gagawin ko ito ngayong araw, mga par,” saad nito sa panimula ng vlog.
Ayon sa vlogger, halos isang linggo niyang pinaghandaan ang sorpresang proposal sa nobya kasama ang Team Paangat.
Tinawagan din ni Cruz ang kaniyang mga magulang bago ayaing magpagkasal si Antonette.
Sa simula ay inakala ni Antonette na simpleng Valentine’s Day surprise lamang ang inihanda ni Cruz.
Ngunit naloko siya nito na maglalaro sila at kailangan piringan. Dito mabilis na isinaayos ng mga kasama ni Cruz ang lahat ng gagamitin sa proposal kabilang na ang mga dahol ng bulaklak na hinugis na puso.
“Sa dami ng mga pagsubok na dumaan sa buhay natin...ang importante sakin mahal kita at kung ano meron tayong dalawa,” saad ni Cruz kay Antonette nang tanggalin nito ang piring.
Tuluyan nang naiyak si Antonette habang nakaluhod si Cruz habang dala ang engagement ring. “Yes” naman ang sinagot nito sa ama ng kaniyang anak.
Nitong Enero, ipinanganak ni Antonette ang kanilang anak na si baby Meteor.
Unang nakilala si Cruz nang sumali sa "Idol Philippines" noong 2019.