Di lang 'hubadera': Ivana Alawi nais ding makilala sa pag-arte

ABS-CBN News

Posted at Feb 13 2020 04:46 PM | Updated as of Feb 13 2020 08:05 PM

Si Ivana Alawi nang pumirma ng kontrata sa ABS-CBN noong Pebrero 7, 2020. ABS-CBN News

MAYNILA — Pormal nang pumirma ng exclusive contract sa ABS-CBN ang baguhang sexy star na si Ivana Alawi, na gagawa ng mga proyekto sa telebisyon, pelikula, at music recording.

Dahil sa kaniyang pagpapa-sexy, marami rin ang bumabansag kay Alawi bilang bagong pantasya ng bayan.

Natatawa na lang daw siya kapag inaaway siya ng ibang babae.

“’Yong jowa daw nila kasi, they’re saving my photos. Sabi ko, ‘guys wag na kayong magse-save ng photos ko para hindi na kayo mag-break,’” kuwento ng aktres.

Pero bukod sa kasikatan sa social media, gusto rin ni Alawi na maipakita ang kaniyang husay sa pag-arte ngayong Kapamilya na siya.

“I want to show also my acting side. There’s more than ‘yong sexiness, image, ‘yong pagpapakita ko ng skin, ‘yong pagiging hubadera ko,” aniya.

Pinaghahandaan ni Alawi ang kauna-unahang pagbida niya sa isang teleserye, na pinamagatang “Ligaya.”

Watch more in iWant or TFC.tv

VLOGGING

Pero bago nito, marami nang natutuwa kay Alawi sa kaniyang kakulitan at pagpapa-sexy sa kaniyang YouTube channel, na ngayon ay mayroong 4 milyong subscriber.

Ayon kay Alawi, hindi niya inaasahang marami ang tatangkilik sa kaniyang mga video, lalo at hindi naman niya pinagpaplanuhan ang ilalagay sa mga ito.

“When I started it, I had no intentions of it going big or anything. I was just doing it for fun because I was going abroad and I just wanted to keep in touch with some of my fans,” sabi ng aktres sa panayam ng ABS-CBN News.

“Naglaba lang ako and everything. Then biglang paggising ko, ‘Wow, gusto nila ‘yong maglaba ako,’” kuwento ni Alawi, na tinutukoy ang isa niyang video – na umani ng 13 milyon views – kung saan mapapanood siyang naglalaba.

SINGLE, WALANG KA-VALENTINE’S

Sa nalalapit namang pagdiriwang ng Araw ng mga Puso, ibinahagi ni Alawi na wala siyang ka-date.

“Wala akong ka-date ngayong Valentine’s so baka naman. Baka naman may gustong makipag-date sa’kin just let me know,” ani Alawi.

Dagdag pa ng aktres ay single din siya.

“Yes, I am single. I’ve been single for a long time kaya I think it’s time,” aniya.

Nang tanungin kung ano ang hanap niya sa lalaki, tugon ni Alawi: “I want someone who’s going to love me for myself tapos ‘yong hindi manloloko.”

“Hindi naman ako naghahanap ng sobra-sobrang guwapo, ‘yong tama lang,” dagdag niya.

Huling napanood si Alawi sa seryeng “Sino Ang May Sala?” kasama sina Jodi Santamaria, Bela Padilla, Ketchup Eusebio, Tony Labrusca, Sandino Martin, at Kit Thompson.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.