Mula sa trailer ng 'Batang Quiapo'
MAYNILA – Aminado ang beteranong aktor at direktor na si Coco Martin na hindi naging madali ang sensitibong eksena nila ng ala-alagang si Miles Ocampo sa seryeng “Batang Quiapo.”
Sa trailer na inilabas ng nalalapit na ABS-CBN show, makikitang ginahasa ng ama ni Martin si Ocampo na kalauna’y magiging si Cherry Pie Picache sa palabas.
Ayon kay Martin, awkward sa simula na gawin ang rape scene lalo pa’t baby-baby niya sa showbiz si Ocampo.
“Honestly, noong una, siyempre nga, baby ko kasi ‘to, eh, si Miles talagang sa mga pelikula, isa ‘yan sa mga baby-babyhan ko na kahit hindi kami nagkikita talaga, pag nagkikita kami tapos ‘yung nanay pa niya, kaklase ko pa,” saad ni Martin sa media conference.
“Nao-awkward ako honestly, feeling mo, ala-alaga mo, tapos rereypin mo na ngayon sa eksena. Parang ang awkward nun’g eksena.”
Siniguro rin naman ng aktres na inalalayan siya ng aktor sa nasabing eksena kaya naman malaki pa rin ang pasasalamat nito.
“Malaking pasalamat po ako na si Kuya Coco yung nakasama ko tas siya rin yung director. Nandun kasi yung alaga. Magiging komportable ka kasi kapag alam mong inaalagaan ka,” paliwanag ni Ocampo.
Kuwento pa ni Martin, tinanong din niya ang batang artista kung gusto niya gumawa ng mas matured na eksena na sa kaniyang karera. Sumang-ayon naman aniya ang aktres.
Inalam din umano niya ang mga limitasyon ni Ocampo sa gagawing eksena upang hindi niya ito mabastos.
“Inalam ko muna kasi nangingilag pa rin ako dahil siyempre, lalaki pa rin ako, heto babae, para alam ko lang ang limitasyon. Kasi ayoko ‘yung makaka-offend ka, eh or lalagpas ka du’n sa limitation,” ani Martin.
Dagdag pa nito, mataas ang tingin ni Ocampo sa kanilang trabaho kaya naman masaya si Martin na nakasama niya ang artista.
Nakatakdang magbalik primetime bida si Martin sa “Batang Quiapo” sa Pebrero 13 kasama ang bagong leading lady na si Lovi Poe.
KAUGNAY NA BALITA