Daniel Padilla handa sakaling ‘pahirapan’ sa bagong pelikula

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2020 06:47 PM | Updated as of Feb 11 2020 07:58 PM

Daniel Padilla at Kathryn Bernardo. ABS-CBN News

Inihayag ni Daniel Padilla na handa siya sakaling siya naman ang pahirapan ni Direk Cathy Garcia Molina para sa reunion movie nila kasama ang kaniyang nobyang si Kathryn Bernardo.

Pinamagatang “After Forever” ang proyektong ididirek ni Molina at pagbibidahan nina Padilla at Bernardo. Makakasama rin ng tatlo ang writer na si Carmi Raymundo.

Huling nagkatrabaho ang apat sa box-office hit na “The Hows of Us” noong 2018.

“Siyempre handa naman kami na pahirapan at alam naman naming tatrabahuhin namin ‘to. Okay lang dahil tiwala kami kay Direk Cathy,” sabi ni Padilla sa panayam noong Lunes.

“Lahat nang maibibigay, ibibigay namin,” dagdag ng aktor.

Watch more in iWant or TFC.tv

Magugunitang inamin ni Bernardo na noong nakaraang taon ay nagtampo siya kay Molina dahil sa mga pinagawa nito sa kaniya bilang paghahanda para sa kaniyang karakter sa pelikulang “Hello, Love, Goodbye.”

Kinumpiska ang cellphone ni Bernardo at halos isang buwan din siyang hindi kinausap ng co-stars para sa karakter.

Ayon naman kay Bernardo, sabik siyang makasama ulit si Padilla, lalo at wala naman silang pinagsamahang serye o pelikula noong nakaraang taon.

“Finally babalik na kami on the big screen with Direk Cathy again and Ate [Carmi] so ibang experience na naman ‘to,” aniya.

Hindi gaanong nagbigay sila Molina ng impormasyon ukol sa pelikula maliban sa detalyeng ise-set ito sa San Francisco sa Amerika.

“Namili kami ng ibang countries pero San Francisco 'yong nagfi-fit doon sa kuwento namin and nagkataon na itong si Padilla, pakiramdam niya talaga para siya doon,” sabi ng direktor.

Magsisimula ngayong Pebrero ang shooting ng pelikula, na nakatakdang ipalabas sa gitna ng taon.-- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.