Armida Siguion-Reyna pumanaw sa edad na 88

ABS-CBN News

Posted at Feb 11 2019 08:45 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Pumanaw nitong Lunes sa edad na 88 ang beteranang artista na si Armida Siguion-Reyna dahil sa komplikasyon ng kanser, ayon sa kaniyang kapatid na si Irma Potenciano.

Hindi malilimutan ang matinis na boses ni Siguion-Reyna na naging pamilyar sa maraming henerasyon ng manonood sa TV show niyang "Aawitan Kita," na tumagal ng higit tatlong dekada.

Itinaguyod ni Siguion-Reyna ang kundiman at iba pang awiting Pinoy.

Nagsanay si Siguion-Reyna bilang opera singer kasama ang kapatid na si Potenciano.

Pero lumawak pa ang sining ni Siguion-Reyna sa pagganap niya bilang bida at kontrabida sa mga pelikula kasama ang mga bituin gaya nina Fernando Poe Jr. at Nora Aunor.

Naging producer din si Siguion-Reyna ng mga hindi malilimutang pelikula tulad ng "Hihintayin Kita Sa Langit" at ang kontrobersiyal na "Ligaya Ang Itawag Mo Sa Akin."

Tumatak din si Siguion-Reyna sa pakikibaka niya sa kalayaan ng sining kasama ang mga direktor na sina Lino Brocka at Ishmael Bernal, gayundin bilang pinuno ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) noong panahon ni dating Pangulong Joseph Estrada.

Huling naging aktibo si Siguion-Reyna noong 2015 nang ilunsad niya ang kaniyang biography na "Armida: The Singer and the Song," na sinulat ni Nelson Navarro. Nakapaloob sa libro ang lahat ng kaniyang pagsisikap bilang ulirang asawa, ina, at kampeon ng artistic freedom.

Inaayos pa ang final arrangements para sa huling saludo kay Siguion-Reyna.

--Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.