Viral na Aeta singer nagpabilib sa 'ASAP'

ABS-CBN News

Posted at Feb 10 2019 02:28 PM | Updated as of Feb 10 2019 04:40 PM

Sariling sikap ang 19 anyos na si Richard Estales sa pagkatuto niya ng pagtugtog ng gitara at pagkanta. Screenshot

Natupad ang pangarap ng isang 19 anyos mula sa pangkat ng mga Aeta sa Aurora, na makasamang umawit sa entablado ang kaniyang iniidolo.

Sa programang "ASAP" nitong Linggo, ipinamalas ni Richard Estales ang kaniyang galing sa pagkanta kasama ang kaniyang idolong si April Boy Regino at iba pang Kapamilya singers.

Watch more in iWant or TFC.tv

Inawit nina Estales at Regino ang hit songs ni Regino na "Paano Ang Puso Ko," "Umiiyak Ang Puso" at "'Di Ko Kayang Tanggapin." Kasama rin sa performance sina Ogie Alcasid, Jason Dy, Jed Madela, Jovit Baldivino at Noven Belleza.

Unang nakilala si Estales matapos mag-viral sa social media ang isang video tampok ang kaniyang pag-awit ng "Perfect" ng English singer na si Ed Sheeran. Umani ng libo-libong reactions at shares ang naturang video.

Kuwento ni Estales, na mula sa bayan ng Casiguran, sariling sikap ang kaniyang pagkatuto ng pagtugtog ng gitara at pagkanta.

"Natuto po akong kumanta mula noong ako ay kinder, natuto po ako sa sarili ko lang na maggitara tapos nakikita ko 'yong mga kaibigan ko tumutugtog," ani Estales.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.