Vhong Navarro, balik-pelikula na

Jeff Fernando, ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 12:29 PM | Updated as of Aug 30 2018 09:03 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Balik-pelikula ngayong 2018 si Vhong Navarro sa isang comedy movie na may working title na "Unli Life."

Dito, hindi isa, hindi dalawa, kung hindi walong papel ang kanyang gagampanan.

"Sa loob ng isang pelikula o istorya, ang dami mong karakter na gagawin. Mahirap talaga kumbaga lalagyan mo ng flavor," ani Vhong

Espesyal din ang leading lady ni Vhong -- ang 2013 Miss World na si Megan Young na nakasama na rin niya sa isang teleserye.

"Nagpapasalamat ako kay Megan Young dahil nga sa hindi talaga siya tumatanda, Megan Young eh, so waley, okay. Tinanggap niya ang project. Kasi si Megan Young nagkasama kami 'Betty La Fea' pa lang, so kumbaga ito ang first movie namin," ani Vhong.

Aminado si Vhong, mahirap magpatawa kapag nagluluksa dahil sa pagpanaw ng kanyang ama nitong Enero lamang.

Ito rin ang dahilan kung bakit hindi siya napanood sa "It's Showtime" ng dalawang linggo.

"Alam mo kaya 'di ako pumasok sa 'It's Showtime' for two weeks, kasama na roon 'yung lamay. Mahirap, sa 'Showtime' kasi 'yung pagho-hosting namin, 'di naman gumagawa ng pelikula na may karakter ka, ikaw 'yun eh, personality mo 'yon," ani Vhong.

Malungkot man at nangungulila sa ama, gagawin itong inspirasyon ni Vhong sa pagharap sa kanyang showbiz career.