Ejay Falcon, may plano na ngayong Valentine's Day

ABS-CBN News

Posted at Feb 08 2018 12:19 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

MANILA -- Masaya ang aktor na si Ejay Falcon ang kanyang buhay pag-ibig.

Nobya ngayon ng aktor si Jana Roxas na dating "Starstruck" contestant.

"Masaya, secured," ani Ejay patungkol sa kanyang love life sa pagbisita nito sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes.

Ayon kay Ejay, sa ngayon ay pinaghahandaan na niya kung papaano sosorpresahin ang nobya para sa Araw ng mga Puso.

"Surprise, secret. Basta may plano naman at sana wala akong trabaho sa araw na yon," ani Ejay.

Nang matanong naman si Ejay kung paano maalagaan ang isang relasyon, sinabi ni Ejay na 'di tulad ng dati ay mas nagbibigay na siya ng oras para sa kanyang minamahal.

"Siguro kahit gaano ka pa ka-busy kailangan mong bigyan ng sapat na oras ang taong mahal mo. Kailangan mong i-balance. Kailangan pantay. Dati immature days, kapag puyat ako sinasabi ko na huwag akong kausapin. Kapag nasa taping ako emotional, nirarason ko 'yon, sinasabi ko na hindi pwede kasi nag-eksena ko, mabigat pa 'yung ang emosyon ko, ayaw kong makipag-usap. Ngayon kaya ko na siyang pagsabayin at 'yung oras kahit gaano ako kapuyat kapag alam ko na kailangan niya ay ibinibigay ko para sa kanya," ani Ejay.
 
Bumisita si Ejay sa "Magandang Buhay" para anyayahan ang mga manonood na tutukan ang paparating na serye na "The Blood Sisters" na magsisimula sa Lunes, Pebrero 12, bago mag "TV Patrol."

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.