Bakit dapat 'sagutin' ni Janella si Elmo?

ABS-CBN News

Posted at Feb 07 2018 10:21 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Ikinatuwa ng tambalang Elmo Magalona at Janella Salvador ang pagpalo sa ratings ng kanilang episode sa "Maalaala Mo Kaya" (MMK) noong Sabado.

"We're so happy about the ratings," ani Salvador sa panayam ng ABS-CBN News.

Sa ulat ng Kantar Media Ratings noong Pebrero 3, pumalo sa 34.5 ang rating ng MMK episode sa buong bansa.

Nasa 28.2 naman ang rating nito sa Mega Manila o Metro Manila kasama ang mga karatig-lalawigan, habang 30.3 naman sa buong Metro Manila.

Matatandaang naantala ang pag-ere ng episode, na pinamagatang "Mangga," matapos dapuan ng viral infection si Salvador.

"Kahit na may pinagdaanang sakit si Jea, was worth it, super!" pahayag naman ni Magalona.

Mula sa dating pa-cute na love team, hudyat na rin umano ang MMK episode nila ng mas malalim na relasyon.

"Pinakaimportante 'yong kabatuhan mo is someone who's really guiding you," sabi ni Magalona.

"Yes, [someone] who's helping you," pagsang-ayon ni Salvador.

Hindi naman napigilan ni Magalona na magpahayag ng tatlong dahilan kung bakit dapat siyang maging "official boyfriend" ng katambal ngayong Valentine's Day.

"Because I'm very sincere, I'm very thoughtful, and I'm very handsome," aniya.

Ayaw namang ma-pressure ni Salvador, na napahalakhak na lang sa pahayag ng katambal.

"We're just enjoying," ani Salvador.

Tiyak naman ang Valentine's date ng dalawa sa Pebrero 14 dahil mag-iikot sila sa mga sinehan para sa opening day ng kanilang pelikulang "My Fairy Tail Love Story."  

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.