TFC News

Mga pelikulang Pinoy, nakasungkit ng parangal sa 8th Bangkok Asean Film Festival

Annalyn 'Apol' Mabini | TFC News Thailand

Posted at Feb 02 2023 02:53 PM

BANGKOK, THAILAND - Nakasungkit ng parangal ang dalawang (2) pelikulang Pilipino sa 8th Bangkok Asean Film Festival na ginanap noong January 25, 2023 sa SF World Cinema, CentralWorld, Bangkok. 

Ayon pa sa Department of Foreign Affairs o DFA, nagwagi bilang Southeast Asian Project Pitch o SEAPITCH  Award by the jury ang pelikulang “The Boy And The Fight of Spiders” (Diwalwal) sa ilalim ng direksyon ni Jarell Serencio at producers na sina John Torres at Alex Poblete. Kabilang sa nasabing parangal ang tropeo at cash prize na USD5,000 o katumbas ng halos PHP270,000. 

Habang ang pelikulang “Rookie” sa ilalim ng direksyon ni Samantha Lee at producer Dan Villegas, ginawaran ng Special Mention Award kabilang na ang tropeo at cash prize na USD2,000 o katumbas ng halos PHP108,000. 

Thailand
Mga pelikulang Pilipinong nagwagi sa Bangkok Asean Film Festival o BAFF 2022

Ang BAFF ay taunang film festival na inoorganisa ng Thai Ministry of Culture kasama ang Federation of National Film Associations bilang pagsusulong sa mga pelikula mula sa ASEAN.  

Layon ng BAFF ang pagpapanatili ng magandang relasyon sa pagitan ng mga bansang kasapi ng ASEAN at ang patuloy na pagpapalitan at pagbabahaginan ng kaalaman sa sining ng paggawa ng mga pelikula. 

Pinangunahan ni Thailand’s Minister of Culture Itthiphol Khunpluem ang BAFF 2022 Opening at Awarding ceremonies noong January 20 at 25, 2023 kung saan lumahok ang mga kasapi ng diplomatic corps at mga opisyal mula sa Thai National Film and Video Committee at National Federation of Film Associations. 

Dalawa (2) pang pelikulang Pilipino ang naitampok sa BAFF 2022 tulad ng “Rocks in a Windless Wadi” bilang entry sa ASEAN Short Film Competition at  “Itim” o "Rituals of May" ni Mike de Leon bilang entry naman sa ASEAN Classic non-competition film showcase.