Mga bida ng 'Kadenang Ginto' ibinahagi kung paano sila nabago ng serye

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 07:00 PM

MAYNILA — Puno ng luha ang pamamaalam ng cast ng seryeng "Kadenang Ginto" na namayagpag sa time slot nito sa hapon at maging sa social media.

Sa huling 2 linggo ng top-rating serye, hindi maiwasan ng mga bida na maging emosyonal, lalo pa't nagbago ang takbo ng kanilang buhay dahil dito.

"Siguro overwhelmed lang po ako nang sobra. Sa paulit-ulit na tiwala ng creatives po for creating Daniela [Mondragon]," ani Dimples Romana, na ginanapan ang karakter ni Daniela Mondragon.

"[S]a totoo lang Kadenang Ginto is my 'make it or break it' teleserye... Ngayon masasabi ko nang artista na ako," ani Beauty Gonzalez, na siyang nagbigay-buhay sa karakter ni Romina Mondragon, ang mahigpit na katunggali ni Daniela.

Naging daan din ang serye sa pagsikat ng "The Gold Squad" na binubuo nina Andrea Brillantes, Francine Diaz, Seth Fedelin, at Kyle Echarri.

"This project changed my life. It's the biggest thing that ever happened to me kaya sobrang nagpapasalamat po ako," ani Echarri.

"Sobrang saya ko po kasi ito 'yung isang project na isa po ako sa main cast at talagang tumagal po kami," sabi naman ni Diaz.

"'Yung Kadenang Ginto ang pinakauna kong teleserye. Malaki po natulong sa akin. Sobrang malaki po pinagbago sa buhay ng pamilya ko," giit ni Fedelin.

"Bago po dumating 'yung Kadenang Ginto sa akin medyo lost po ako... Kasi wala po akong show, wala akong raket," ani Brillantes.

Agaw-atensyon naman ang mala-gladiator style finale trailer ng serye. Ang iba, inakalang mala-fantaserye ang pagtatapos ng Kadenang Ginto.

Tinawag na "The Battle of Dragons" ang pagtatapos ng Kadenang Ginto na umere nang higit sa isang taon.

—Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.