'Hindi ko kasi napagamot': Angel Locsin, nagbahagi tungkol sa pagkabulag ng ama

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 01:32 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Naging bukas ang aktres na si Angel Locsin sa pagbabahagi ng kanyang damdamin tungkol sa pagkabulag ng kanyang ama na si Angelo Colmenares.

Sa "Magandang Buhay" nitong Miyerkoles, nagsimulang magkuwento si Angel tungkol sa kanyang ama nang matanong tungkol sa beach property na binili niya sa Zambales para sa haligi ng kanilang tahanan.

Ani Angel, binili niya ang property dahil alam niyang makapagpapasaya ito sa ama.

"Ako naman ngayon. Kasi ibinigay niya sa akin lahat, kahit hindi namin kaya noon, tinry (sinubukan) niya 'yung best niya na gawing happy ang childhood ko, in his own way. So bilang anak, kung ano ang kaya kong ibigay, i-provide, eh 'di 'yun," ani Angel sabay pagbabahagi sa bagay na hindi niya nagawa para sa ama. 

"Hindi ko kasi napagamot 'yung mga mata ni daddy. Na-late ako, na-late ako. 'Yun 'yung reason ko noon, bakit ako nag-stay sa showbiz. Kasi akala ko makakaipon ako, kaya lang na-late ako ng ipon. Hanggang sa hindi ko napagamot si daddy, hanggang sa too late na," ani Angel.
 
Ayon kay Angel, ngayong 92 anyos na ang ama ay delikado na rin kung sasailalim pa ito sa mga pagsusuri o mga pamamaraan para maibalik ang kanyang paningin.

"Magna-93 na rin si Daddy, so medyo risky na rin sa kanya. Hindi na rin adviceable," ani Angel.

Sa kabila nang pagtanggap ng ama sa pagkabulag nito, aminado si Angel na hindi pa rin siya "okay" sa kalagayan ng ama. 

"Si Daddy kasi napaka-prayerful noon, napakasipag sa church. Siya okay na, ako na lang 'yung hindi. Siya 'Angel, I'm happy.' Naghuhugas pa rin siya ng plato kapag kaya niya, matigas ang ulo, ayaw magpa-assist, kung kaya niyang mag-isa gagawin niya," ani 

"Ako na lang 'yung hindi (fulfilled). Kasi hindi pa niya ako nakikita. Nung time na may billboards, nakikilala ng buong Pilipinas ang mukha ko pero Daddy ko hindi niya alam. Kahit 'yung brother ko hindi niya nakikita nung lumalaki siya. Siyempre 'yung mga ganung bagay 'yung makita mo man lang," paliwanag ni Angel. 

Pero sa kabila nang pagiging bulag, sinabi ni Angel na ginagawa ng kanyang ama ang lahat para ipakita ang pagiging ama nito sa kanilang magkakapatid.

"Hindi siya nagkulang kahit na nawala 'yung eyesight, kapag talagang gusto, gumagawa pa rin siya ng way para maging part ng buhay ko," ani Angel.

Bumisita si Angel sa "Magandang Buhay" para magpasalamat sa lahat ng mga manonood sa tagumpay ng kanyang pinakabagong serye na "The General's Daughter."

"Hindi ko rin po alam kung paano pasasalamatan ang mga tao. Kami po sa buong team ng 'The Generals' Daughter' grabe po ang pasasalamat namin. Sana po ay magtuloy-tuloy ang suporta niyo amin," ani Angel.

Ayon kay Angel, inaalay niya rin ang tagumpay ng serye sa kanyang mga kasamahan.

"Ang suwerte-suwerte ko na nakatrabaho ko ang lahat ng iniidolo ko sa industriya. ... Hindi naman magwo-work ang show kung ako lang mag-isa. It's teamwork talaga. I'm just very lucky na ang lakas talaga ng support group namin, 'yung love namin sa isa't isa," ani Angel.

Mapapanood si Angel bilang 2nd Lt. Rhian Bonifacio sa "The General's Daughter" pagkatapos ng "FPJ's Ang Probinsyano."