Viva big boss nanindigang exclusive talent pa rin nila si Nadine Lustre

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 08:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Nanindigan si Viva Entertainment chief executive officer (CEO) Vic del Rosario na talent pa rin ng kanilang kompanya si Nadine Lustre sa kabila ng pahayag ng aktres na na-terminate na ang kaniyang kontrata sa talent agency.

Sa gitna ng announcement ng Viva Entertainment ng kanilang 2020 film projects, ibinahagi rin ni Del Rosario na may 7 pelikula pa sanang gagawin si Lustre sa ilalim ng kompanya.

"Mayroon pang 7 movies pa siya na nakakontrata, exclusive. 'Yong 'Miracle' tinanggihan niya... mayroon kaming in-offer pang iba," ani Del Rosario, na binanggit ang pelikulang "Miracle in Cell No. 7" noong nakaraang taon, na dapat pagbibidahan sana ni Lustre pero inurungan nito.

"Sa kontrata, puwede naman siyang mag-no dahil sa kontrata namin, puwedeng mag-reject ang artist kapag hindi nila type. Ang bawal lang, bawal lumabas sa iba," ani Del Rosario. 

Nilinaw naman ng abogada ng aktres na si Lorna Kapunan na binitiwan lang ni Lustre ang management contract ng Viva Artists Agency, ang talent management branch ng Viva Entertainment.

Hindi raw binitiwan ng aktres ang paggawa ng pelikula sa Viva Communications, na isa pang sangay ng kompanya.

Karapatan din daw ni Lustre na tanggihan ang mga pelikulang inaalok sa kaniya ng Viva.

Handa raw patunayan ng kampo ni Lustre na may karapatan ang aktres na tapusin ang anila'y ilegal na management contract. Pareho rin daw ang situwasyon ni Lustre sa iba pang Viva artists.

Nauna nang inihayag ni Lustre na hindi na siya talent ng Viva Artists Agency at tinatapos na niya ang kaniyang management contract.

Pero kinontra ito ng Viva at sinabing hindi puwedeng basta-basta mag-withdraw lang si Lustre sa isang kontrata.

Inihayag ng kampo ni Lustre noong Martes na handa silang harapin ang ano mang legal na aksyong isasmapa ng Viva laban sa kanila.

Hinimok naman ng abogadong si Ferdie Topacio si Lustre na makipag-ayos na lang sa Viva bago raw ito maging "frozen delight," na termino sa mga artistang nawalan ng trabaho dahil sa legal disputes sa kanilang kontrata.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.