Edu Manzano, inaming may pagsisisi bilang ama

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 11:57 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Aminado si Edu Manzano na may bagay siyang pinagsisisihan bilang isang ama.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, ibinahagi ni Edu na sana ay nakapagbigay siya ng mas marami pang oras para sa kanyang mga anak noong sila'y mga bata pa.

Sa ngayon ay may kani-kaniya nang karera at buhay ang kanyang tatlong anak na sina Luis, Enzo at Addie.

Si Luis ay anak ni Edu sa dating asawang si Vilma Santos, samantalang sina Enzo and Addie naman ay mga anak niya sa dating karelasyon na si Rina Samson.

"You know nami-miss ko talaga ang mga bata. Actually sometimes sinisisi ko ang sarili ko. Kasi before puro ako trabaho, trabaho, trabaho. Akala ko kahit papaano makakabawi ako sa huli," ani Edu.

"Ang problema, of course, darating sila sa point ng kanilang buhay may mga barkada, may boyfriend, may girlfriend, ikakasal or graduate tapos hihingi pa na mag-master's. So sinisisi ko 'yung mga oras na hindi ko nailaan sa kanila at puro trabaho lang ang inatupag ko, " dagdag ng batikang aktor at host.

Aminado si Edu na malaki ang tulong ng teknolohiya at social media para manatiling bukas ang komunikasyon sa mga anak.

"Doon ako nagpapasalamat sa social media. Nagpapasalamat ako sa Viber, libreng tawag o WhatsApp kasi 'yun ang pinaka-primary means of contact namin sa isa't isa," ani Edu.

Ayon kay Edu, proud siya sa lahat nang ginagawa at tagumpay ng kanyang mga anak.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.