Parang tatay: Nash Aguas, inalala si Direk Maryo

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 09:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isa si Nash Aguas sa mga tumatanaw ng malaking utang na loob sa pumanaw na direktor na si Maryo J. Delos Reyes.

Dahil kay Delos Reyes, nahikayat si Aguas na pasukin ang pagiging direktor, na natupad ng binatilyo sa pamamagitan ng ABS-CBNmobile series na "Coffee Break."

"Siya 'yong direktor na nagtiwala sa akin," sabi ni Aguas sa panayam ng ABS-CBN News.

"Ang dami niyang tinuro sa akin, parang tatay ko na kasi si Direk Maryo," ani Aguas.

Bukod sa buhos ng hinagpis ng mga bituin sa social media, malaki rin ang panghihinayang kay Delos Reyes dahil nalatag na ang mga proyekto para sa kaniyang mga hawak na talents.

"He's such a wonderful director," anang mang-aawit na si Kuh Ledesma. "'Tsaka mabait siya."

Sabado nang dumalo si Delos Reyes sa kaarawan ng isang kaibigan sa isang resort sa Dapitan, Zamboanga Del Norte.

Biglang bumagsak ang direktor habang nagsasayaw sa gitna ng pagdiriwang, sa pagitan ng 9:45 at alas-10 ng gabi.

Idineklarang dead on arrival si Delos Reyes sa Doctor Jose Rizal Memorial Hospital.

Inaasahang dadating sa Maynila sa Martes ang labi ni Delos Reyes para iburol sa Commonwealth, Quezon City.

Nakatakda naman ang kaniyang cremation sa Sabado, Pebrero 3. 

Nag-umpisa ang karera ng tanyag na box office director noong 1970s.

Kabilang sa kaniyang mga pelikula ang "Magnifico" na pinagbidahan ni Jiro Manio at nanalo ng Crystal Bear Best Film Award sa 2003 Berlin Film Festival.

Huli naman niyang pelikula ang "The Unmarried Wife" na pinagbidahan ni Angelica Panganiban.

-- Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.