PatrolPH

Kampo ni Nadine handa sa legal action ng Viva

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 05:50 PM | Updated as of Jan 28 2020 08:12 PM

Watch more News on iWantTFC

Inihayag ng kampo ng aktres na si Nadine Lustre na handa silang harapin ang legal na aksyon na maaaring isampa ng Viva Artists Agency.

Sa isang pahayag, sinabi ng abogado ni Lustre na si Lorna Kapunan na handa rin silang mapag-usapan ang malupit at ilegal na kontrata ng Viva sa aktres.

"We welcome any legal action by Viva so their unconscionable, oppressive and illegal contract with Nadine (and their other artists) can be litigated in the proper forum," aniya.

Ito ay matapos pumalag ng Viva sa anunsiyo ng kampo ni Lustre noong Lunes na tinatapos na niya ang kontrata sa talent agency.

Naunang inanunsiyo ni Lustre na hindi na siya talent at tinatapos na niya ang kaniyang management contract sa Viva.

Dagdag pa ng kampo, "self-managed" muna ang aktres at ano mang bookings o inquiries ay maaaring ideretso kay Lustre.

Pero sa pahayag ng Viva, sinabi nilang nananatiling exclusive talent nila si Lustre dahil sa existing management contract nito.

Sa ilalim ng batas, hindi puwedeng basta-basta mag-withdraw lang si Lustre sa isang kontrata, ayon sa Viva.

Ano mang negosasyong papasukin ni Lustre na walang pahintulot ng Viva ay mangangahulugan umanong "breach of contract."

Aksyong legal din ang gagawin ng Viva laban kay Lustre o sa sinumang third party na deretsong makikipagnegosasyon kay Lustre na labag sa management contract.

Ang Viva Artists Agency ay bahagi ng Viva Entertainment group na nagpo-produce din ng mga pelikula (Viva Films) at events (Viva Live).

Noong 2019, umalis ang dating nobyo ni Lustre na si James Reid sa Viva.-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.