PatrolPH

‘Para sa safe travels’: Vice Ganda ipinasilip ang bagong biling luxury car

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2022 09:35 PM

Mula sa vlog ni Vice Ganda
Mula sa vlog ni Vice Ganda

Ipinakita ng “It’s Showtime!” host na si Vice Ganda ang kaniyang bagong biling mamahaling sasakyan lalo pa’t nagloloko ang ilan sa mga luma niyang sasakyan.

Sa isang vlog na inilabas nitong Miyerkoles, nai-deliver na sa bahay ng komedyante ang isang itim na Cadillac Escalade na aniya katas ng natapos niyang show na “Everybody, Sing!”

Pinangalanan pa niya itong “ES” na acronym ng nasabing community singing game show ng ABS-CBN. 

Kuwento ni Vice, minamalas siya sa mga sasakyan nitong nakaraan dahil nawalan ng brake ang isa sa mga ginagamit nito.

Nagloloko naman aniya ang aircon ng malaking van na ginagamit niya araw-araw sa noontime show habang may problema rin ang isa pa nitong lumang sasakyan.

Noong Agosto pa nito hinihintay ang nasabing luxury vehicle na ikinatuwa rin ng driver ng komedyante. 

Nito lamang New Year, dinala ni Vice Ganda ang kaniyang pamilya at mga kaibigan sa luxury resort na Amanpulo sa Palawan.

Doon sinalubong ng host ang 2022 kasama ang nobyong si Ion Perez. 

Nag-donate din ito ng kalahating milyon sa benefit concert series ng ABS-CBN para sa mga nasalanta ng bagyong “Odette” sa Visayas at Mindanao. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.