Kapamilya stars, El Gamma Penumbra nag-alay ng performance para sa Taal victims

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 02:09 PM | Updated as of Jan 27 2020 01:01 AM

Nag-alay ng performance ang Sunday noontime variety show na “ASAP” para sa mga biktima ng pag-alboroto ng Bulkang Taal. ABS-CBN

Naghandog ng pagtatanghal ngayong Linggo sa “ASAP” ang Kapamilya stars at shadow play group na El Gamma Penumbra para sa mga apektado ng patuloy na pag-alboroto ng Bulkang Taal. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Pinangunahan nina Martin Nievera, Ogie Alcasid, Regine Velasquez, ZsaZsa Padilla, Billy Crawford, Piolo Pasucal, Erik Santos at Sarah Geronimo ang pagkanta sa “Lean on Me” ni American singer-songwriter na si Bill Withers, para sa mga biktima ng Taal eruption.

Ibinida rin ng “Asia’s Got Talent” champion na El Gamma Penumbra ang isang shadow play na ipinapakita ang pag-alboroto ng Taal, at ang epekto nito sa pamumuhay at kabuhayan ng mga taong naninirahan malapit sa bulkan. Ginamit ng grupo ang tugtog na “Paraiso” ng Smokey Mountain.

Watch more in iWant or TFC.tv

Natapos ang performance sa pag-awit ng Kapamilya stars ng “Paraiso.”

Ibinaba ngayong Linggo sa alert level 3 ang status ng Bulkang Taal, na nangangahulugang bumaba na ang tendency na magkaroon ng hazardous eruption o mapanganib na pagsabog.

Pero nilinaw rin ng Phivolcs hindi pa rin umano tumitigil ang aktibidad ng bulkan o nawawala ang banta ng mapanganib na pagsabog.

Mahigit 376,000 katao mula Batangas, Cavite, Laguna at Quezon ang apektado ng pag-alboroto ng Taal, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.