Angelica, sinagot kung may pag-asang magkabalikan sila ni Carlo

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 10:48 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- "Sobrang aga." 

Ito ang sagot ng aktres na si Angelica Panganiban sa tanong kung may pag-asa bang magkabalikan sila ng dating nobyong si Carlo Aquino sakaling manligaw ito.

"Sobrang aga pa, sobrang aga," ani Angelica sa pagbisita nito sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes kasama ang co-star niya sa pelikulang "Ang Dalawang Mrs. Reyes" na si Judy Ann Santos.

Ayon kay Angelica, bilang magkaibigan ay nagkikita at nagkakausap naman sila ni Carlo. 

"Kasi noong may pinagdaanan ako, hindi naman 'yan nagkulang na mangamusta sa akin. Kaya ngayong siya naman ang nangangailangan ng kaibigan, kami namang mga kaibigan niya ay kinakamusta naman siya," aniya.

Itinanggi ni Angelica na kay Carlo galing ang bulaklak na ipinakita niya sa kanyang Instagram Stories. 

"Hindi, hindi. Kami open naman kami ni Carlo na talagang magkaibigan kami. Last year, nag-Singapore kami kasama pa niya 'yung girlfriend niya at that time, kasama namin. Ganoon kami naging kakumportable sa isa't isa," paliwanag ng aktres, na naibahagi rin ang simula ng pag-iibigan nila ni Carlo noong sila ay bata pa.

"Parang high school noong naging kami. First year high school hanggang makapag-college. Pero sinabi ko 'yon sa mama ko. Talagang sinabi ko, 'Ma, may crush ako.' Crush lang, kasi doon ang peak noong cellphone noon."

Ayon kay Angelica, kaya niyang maging kaibigan ang kanyang ex at mas gusto niyang mangyari ito para na rin sa kanilang pinagsamahan.

Sa nakaraang panayam, sinabi ni Angelica na si Carlo lang ang ex na naging kaibigan niya.

Samantala, itinanggi rin ng aktres ang isyung nag-uugnay sa kanya at sa kanyang co-producer na si Sam Milby. 

"Hindi, walang ganoon. Diyos ko po, 'yun mabagal 'yon," aniya.

Ayon kay Angelica, hindi rin si Sam ang nagbigay sa kanya ng bulaklak. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.