Angelica Panganiban, napatawad na ba ang dating nobyo?

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2018 11:15 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA -- Hindi agad nakasagot si Angelica Panganiban sa tanong kung napatawad na niya ang dating nobyong nakasakit sa kanya.

Sa "Magandang Buhay" nitong Biyernes, sinabi ni Angelica na "okay" na sa kanya ang nangyari, pero iginiit na mas magandang hindi muna makita ang naging ex.

Hindi pinangalanan ni Angelica ang tinutukoy niyang ex, pero huling nakarelasyon ng aktres si John Lloyd Cruz na ngayon ay nobya si Ellen Adarna.

"Hindi, okay naman na, okay na 'yon. Pero huwag na lang muna siyang magpakita. Parang hanggang ganoon na lang 'yon," ani Angelica.

"Puwede mo namang palagpasin 'yung nagawa eh, kasi [nag-gain] ka ng experience, ikinalayo naman 'yon ng maturity mo. Pero para magkapatawaran pa at mag-usap, hindi naman na 'yon kailangan. Lumang requirements na 'yon," dagdag niya.

Sa tanong kung nagalit siya noong una dahil sa may third party na sumira sa kanila ng kanyang ex, inamin ni Angelica na hindi siya sigurado lalo't wala silang pormal na pagtatapos.
 
"Hindi ko alam, hindi ako sure. Wala akong closure, kaya di ko alam. Kami pa yata tapos hindi ko na alam. Ganoon naman talaga, nangyari ang nangyari, nagkagulatan na lang. 'Uy, surprise.' Ako na ang nag-decide noon na, 'Ah, siguro wala na ito.' Nag-reach out naman ako noong una na, 'Ano na ito, anong nangyari na?' Tapos wala na akong narinig. Tapos napanood ko na lang lahat sa balita," paliwanag niya.

"Hindi siya ang 'The One,' malayong-malayo," giit ni Angelica patungkol sa ex.
 
Aniya, kung siya ang masusunod ay mas gusto niya ang personal na magkaroon ng "closure."

"Gusto ko sana kaso hindi nila ibinibigay. Hanggang text lang ba ang naipundar ko? Ang dami kong ginawa, tapos noong hiwalayan hanggang text lang. I don't deserve it," ani Angelica.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.