'Hindi ko ikamamatay 'yun': Yayo Aguila, wala nang interes na magka-love life

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 05:05 PM | Updated as of Jan 24 2020 11:26 PM

MANILA -- Tila hindi na interesado sa buhay pag-ibig ang aktres na si Yayo Aguila.

Sa nakaraang panayam ng ABS-CBN News, sinabi ni Yayo na masaya siya ngayon na mag-isa, 12 taon matapos silang maghiwalay ng asawang si William Martinez.

"Boyfriend? Naku ayaw ko. Mas gusto kong magtrabaho. Honestly, kapag nagdarasal ako gabi-gabi, 'Lord, okay lang, huwag mo akong bigyan ng love life kasi hindi ko naman ikamamatay 'yon. Pero 'yung wala akong trabaho, ikamamatay ko 'yon.' Hindi ba?" aniya.

"Para sa akin habang kaya ko pang magpuyat, mag-memorize ng lines, kaya pang umarte, mas gusto kong magkatrabaho. Kung bibigyan ako ng love life, why not? Pero bonus na lang 'yon, kung wala eh di okay lang," dagdag niya.

Matatandaang 2010 nang inanunsiyo ni Yayo na hiwalay na sila ni William, ama ng kanyang apat na anak, matapos ang 25 taon nilang pagsasama.

Nang tanungin naman kung may pag-asa pa silang magkabalikan ni William, sagot ni Yayo: "Kung tatanungin mo ako, wala. Wala na. Nasanay na ako na ako lang."

"Hindi ko sinasabi na pangit mag-asawa. Siguro husto na 'yung 25 years tapos nasanay na akong mag-isa. I don't want to report to anyone. I don't want anyone to decide for me. I don't want to consult anyone pagdating sa buhay ko, so ako na lang. Kasi kaya ko naman, kinaya ko."

Para kay Yayo, kaibigan na lang ang tingin niya sa ama ng kanyang mga anak.

"Wala na talaga. As in friends talaga. Hindi siya nawawala sa isip ko. Siyempre tatay siya ng mga anak ko. Tapos palagi kapag nakikita ko ang mga anak ko, maiisip ko 'yung tatay nila, [sasabihin ko] 'o dalawin niyo ang tatay niyo.' Ganun. Pero kahit ganito kami ay okay naman kami. Super okay 'yung setup namin," ani Yayo na naging bukas sa kanyang hiling na bagong pag-ibig para kay William.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.