Ina ni Jolina Magdangal, na-traumatize sa pagputok ng Bulkang Taal

ABS-CBN News

Posted at Jan 23 2020 12:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Isa sa mga naapektuhan ng pagputok ng Bulkang Taal ang mga magulang ni Jolina Magdangal na sina Jun at Paulette na may-ari ng isang restaurant sa Tagaytay.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, ibinahagi ni Jun na nasa pag-aaring restaurant na Memory Lane sila nang pumutok ang bulkan noong Enero 12. 

"Towards pagabi, kumbinasyon na ng rumbling sound, thunder, lightning, tapos 'yung rattling sound nung mga nahuhulog na bato. Naku sabi namin I think we have to close (the restaurant)," kuwento niya.

Ayon kay Jun, magsasara na sana sila nang may dumating na pamilya at humingi ng tulong.
 
"May nakiusap na family sabi, 'Kayo na lang po yata ang may kuryente, 'yung anak ko hindi makahinga at may asthma, puwede po bang makisaksak ng nebulizer?' Pinapasok namin. Nagugutom sila. 'Sige kumain po kayo.' May isang family ganun na naman, may another family, ganoon na naman. Hindi naman mapaalis siyempre. May ilaw pa. So noong nailuto na, kumakain na sila biglang nawalan ng kuryente. 'Naku this is the sign,' kako. Tapos maya-maya 'yung water supply, wala na. So 'yung mga staff namin pinauwi na namin kasi worried na rin sila sa kanilang family, kami na lang ang naiwan. Hindi kami makaalis kasi 'yung mga taong pinapasok namin ayaw pa umalis dahil natatakot. Until finally noong gabi na, sila na ang nag-decide na we have to move on kasi 'yung iba ay uuwi pa ng Manila, ang iba babalik pa ng Batangas. Saka lang kami nagsara," ani Jun.

"Noong nasa bahay na kami talagang ramdam na ramdam mo ang tremor, every 15 to 30 minutes yuyugyog. Si Mommy (Paulette) nagkaroon ng trauma. Kahit nandito na kami sa Quezon City nakahiga sa kama, kikilos lang ako, akala niya ay lumilindol na. In my lifetime, twice lang ako nakaranas ng explosion. 'Yung Pinatubo, ashes lang 'yon sa Quezon City, sa Tandang Sora pa kami noon. This time 'yung actual na nandoon ka," kuwento ni Jun.

Martes na sila nag-desisyon na bumaba patungong Quezon City para masiguro ang kanilang kaligtasan.

Sa ngayon, hiling ni Jun ang panalangin para sa mga naapektuhan ng Bulkang Taal.
 
"Sabi ko nga let's hope and pray. Sabi ko nga kung ang dasal mo dati ay once a day, gawin mong 12 times a day ang dasal. Any religion, we believe in one God, magdasal ka roon, huwag kang sumuko. At mag-isip ka ng kahit anong bagay na pagkakakitaan. Bumangon," ani Jun.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.