Rey Valera bumabawi sa mga hindi pinapalad sa 'Tawag ng Tanghalan'

ABS-CBN News

Posted at Jan 22 2019 11:33 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MANILA - Markado ngayon ang OPM legend na si Rey Valera bilang punong hurado ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime” na napapanood araw-araw.

Sa isang panayam bago mag-concert si Rey para sa mga kababayan sa Cebu, naibahagi niya ang hindi malilimutang karanasan sa “Tawag ng Tanghalan” kapag may hindi pinapalad o na-"gong" ang performance.

“Magastos kapag may nago-gong dahil kung minsan hinahabol ko ‘yun sa labas. Kung ano ang laman ng pitaka ko, ibinibigay ko. Kung hindi ko siya abutan, pumupunta ako ng mall para bumili ng kahit na ano para lang mawala sa isip ko. Nakokonsensya ako eh,” aniya.

Mahirap na trabaho ang maging hurado, ayon kay Rey, lalo na kapag kailangan nang i-gong ang isang contestant na nawala sa tono.

“Pero siyempre trabaho 'yun. Tao naman ako. Imposible namang hindi ako magkaroon ng empathy. Imposible na hindi mo maramdaman 'yung, ‘Naku tatlong buwan na hindi lalabas ng bahay ito,’” kuwento niya.

Tip ni Rey sa mga balak sumali sa “Tawag ng Tanghalan,” boses ang ihanda una sa lahat.

“Minsan hindi naman ako tumitingin sa appeal nung tao… Parang ang criteria natin talaga doon ay kung sino ang magaling na boses,” aniya.

Bukod sa pagiging punong hurado ng “Tawag ng Tanghalan,” abala si Rey sa concerts kung saan most requested pa rin ang kanyang classic hit songs.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.