PatrolPH

Sarah Geronimo, Matteo Guidicelli makikisaya sa Sinulog Festival sa Carmen, Cebu

ABS-CBN News

Posted at Jan 21 2023 03:17 PM

 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 
 

A post shared by Matteo Guidicelli (@matteog)

MAYNILA – Inaasahang dadalo sa selebrasyon ng Sinulog Festival sa Carmen, Cebu ang mag-asawang Sarah Geronimo at Matteo Guidicelli. 

Sa segment na “Winner Sa Life” sa TeleRadyo, nabanggit ng showbiz reporter na si Ahwel Paz na may makakasama siyang bigating artista bukas, Linggo, sa nasabing bayan ng Cebu. 

Nang tanungin kung sino ang mga ito, binanggit ni Paz ang pangalan ng mag-asawa.

Kilalang taga-probinsya ng Cebu si Guidicelli kung saan ay nagpatayo pa ito ng restaurant doon. 

Noong 2016, binuksan ni Guidicelli at kaniyang pamilya ang Trattoria da Gianni sa Banilad, Cebu City bilang pagbibigay-pugay sa kaniyang lolo.

Samantala, unti-unti nang nagbabalik showbiz si Geronimo matapos ang ilang taong pagpapahinga. 

Sunod-sunod na awitin ang inilabas ng Popstar royalty mula noong Disyembre, kabila na rito ang pumapatok na “Dati Dati.” Makailang ulit na rin siyang lumabas sa Sunday variety show na “ASAP Natin ‘To.”

Taong 2020 nang magpakasal sina Geronimo at Guidicelli sa Taguig City.

Isang grand Sinulog celebration ang inaasahan sa Carmen dahil ngayong taon ang golden anniversary ng nasabing festival doon.

Ayon sa Cebu provincial information office, ang Sinulog sa Carmen ang orihinal o siyang pinakaunang Sinulog Festival sa Cebu.

KAUGNAY NA VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.