Angel Locsin 'buwis-buhay' sa eksena sa 'The General's Daughter'

ABS-CBN News

Posted at Jan 20 2019 06:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Literal na "buwis-buhay" ang ilang eksena ni Angel Locsin para sa pagbibidahan niyang teleseryeng "The General's Daughter."

Ikinuwento ni Locsin na may isang eksena silang kinuhanan sa barko kung saan muntik na siyang mawalan ng hininga.

"Kailangan ko naka-scuba suit tapos naka-mask... so 'pag binasa mo 'yon, walang water na papasok," kuwento ni Locsin sa panayam ng ABS-CBN News.

"So the whole time, di ako makahinga hanggang 'yong sa EP ko lumapit sakin... [sabi niya] 'Angel, kulay violet ka na,'" ani Locsin.

Bibigyang buhay ni Locsin sa serye ang karakter ni Rhian, isang sundalong pinalaki para patayin ang kaniyang sariling ama.

Nakatakdang ipalabas simula Lunes ang "The General's Daughter" pagkatapos ng "FPJ's Ang Probinsyano."

Kasama ni Locsin sa serye sina Albert Martinez, Tirso Cruz III, Maricel Soriano, Eula Valdez, Janice De Belen, JC De Vera, Paulo Avelino, Arjo Atayde, Ryza Cenon, Ronnie Alonte, at Loisa Andalio.

Ang "The General's Daughter" ang kauna-unahang serye na pagbibidahan ni Locsin makalipas ang limang taon. Huli siyang bumida sa "The Legal Wife" noong 2014 at nag-guest sa "La Luna Sangre" noong 2017. -- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.