PatrolPH

Madam Inutz ng 'PBB,' maglalabas ng awiting 'Marites'

ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2022 11:28 AM | Updated as of Jan 19 2022 11:33 AM

Watch more News on iWantTFC

MAYNILA -- Ilang linggo matapos ang pagsabak niya bilang isa sa mga housemate ng "Pinoy Big Brother: Kumunity" celebrity edition, ibinahagi ni Daisy Lopez o mas kilala bilang "Madam Inutz" na isang bagong awitin ang kanyang ilalabas.

Sa programang "Sakto" ng TeleRadyo nitong Miyerkoles, sinabi ni Lopez na may pamagat na "Marites" ang kanyang awitin.

"Actually po katatapos ko lang po na mag-recording," pauna ni Lopez na isang viral online seller.

"Apat po na kanta ang naka-line up na ire-record ko," dagdag ni Lopez na iginiit na hindi pa rin siya makapaniwala na mabibigyan siya ng pagkakataon para maging recording artist.

"Sa akin nga po hindi ko inaakala kasi siyempre sa edad ko at hindi na rin po ganoon kaganda 'yung boses ko pero nagpapasalamat ako na patuloy akong tinatangkilik ng mga supporter ko. Kaya ginagawa ko rin po ang best ko para mapasaya ang mga taong sumusuporta sa akin," ani Lopez.

Matatandaang Setyembre noong nakaraang taon ay inilabas ni Lopez ang kanyang unang awitin na may pamagat na "Inutil." 

Sa panayam, ibinahagi rin ni Lopez na miss na miss na niya si Kuya o Big Brother.

"Siyempre siya 'yung talagang naging tatay namin sa loob ng bahay kaya sobrang miss na miss ko na rin siya. Saka siyempre 'yung bahay talaga ni Kuya bumuo kami ng isang pamilya roon kaya talagang hindi ko makakalimutan. Maraming good memories talaga kasama ng mga housemate," ani Lopez na iginiit din ang magandang samahan nila ng mga nakasamang housemate kahit pa sila ay nasa outside world na.

Pagbabalik-tanaw ni Lopez, si Brenda Mage ang isa sa napalapit sa kanya sa loob ng sikat na dilaw na bahay.

"Si Brenda po talaga kaya nabansagagan kaming Marites. Kasi po talagang nagkasundo kami at parehas kami na masaya lang. Minsan 'yung pagiging masaya mo nakikitaan nang hindi maganda ng ibang tao. Pero talaga naman kakaiba ang nabuo naming samahan sa loob ng bahay ni kuya. Actually mayroon kaming group chat ng housemates na hanggang ngayon ay continuous pa rin kaming nag-uusap," ani Lopez.

Ibinahagi rin ni Lopez, ang pinakamatinding aral na natutunan niya mula kay Kuya.

"Ang tinuro po sa akin ni Kuya ay maniwala at magtiwala ka pa sa kakayahan mo. Kasi tayo minsan nakakaramdam na parang pasuko ka na. kasi siyempre sa dami ng problema, responsibilities sa buhay ay nakakaramdam ka ng pagod. Pero pina-realize sa akin ni Kuya na wala kang dahilan para mapagod, wala kang dahilan para sumuko kasi nga marami ang umaasa sa kin," ani Lopez.

Sa panayam, ibinahagi ni Lopez na malaki ang pasasalamat niya na napasabak siya sa live selling na aniya ay nagpabago ng kanyang buhay.

Malaki rin aniya ang naging tulong ng nito para harapin ang hamon ng buhay lalo na sa panahon ng pandemya.

"Single mom ako. Talagang malaki ang tulong sa akin, malaki ang ambag sa buhay ko talaga," ani Lopez. 

Matatandaang sa loob ng bahay ni Kuya, ay pinayagan si Lopez noon na ipagpatuloy pa rin ang pagla-live selling para matustusan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.