PatrolPH

Komedyanteng Don Pepot, 88, pumanaw na

Mario Dumaual, ABS-CBN News

Posted at Jan 19 2022 04:30 PM | Updated as of Jan 19 2022 07:20 PM

Don Pepot. Photo courtesy of his son Michael Fajardo
Don Pepot. Photo courtesy of his son Michael Fajardo

MAYNILA -- Sumakabilang buhay na ang veteran comedian na si Don Pepot na higit na kilala sa kanyang bigote at mayabang na estilo ng pagpapatawa sa maraming pelikula at TV shows mula pa nung 1960s. 

Ernesto Fajardo sa tunay na buhay, 88 taong gulang si Don Pepot. 

Ibinahagi ng anak ng komedyante na si Michael Fajardo sa ABS-CBN News na COVID-19 at acute respiratory failure ang ikinamatay ng aktor na pumanaw bandang alas-8:30 Martes ng gabi sa Veterans Memorial Medical Center sa Quezon City 

Nung Oktubre 2021 naospital si Don Pepot, ayon sa kanyang pamilya. Nakalabas siya pero bumalik muli nung Disyembre 2021 hanggang yumao siya kagabi. 
 
Kabilang sa mga nakasangga niya sa comedy sina Dolphy, Apeng Daldal, Babalu at Redford White. Ayon kay Fajardo, kabilang sa mga huli niyang pelikula ang “ Enteng Kabisote” ni Vic Sotto at “Agimat” ni Bong Revilla isang dekada na ang nakaraan. 

Sa Sabado bubuksan sa publiko ang burol ng kanyang cremated remains sa Solennelle Funeral Chapels sa Valenzuela City kasunod ng private wake ng kanyang pamilya. 

Nagpasalamat si Fajrado sa lahat ng nakiramay sa kanila. Sana din daw maaala si Don Pepot sa kanyang punchline na "Itapon ang mabuti, pulutin ang masama." Ang ibig sabihin ng kanyang ama, ayon kay Fajarado, “Itapon ang mabuti, para mapulot ng iba. Pulutin ang masama, para 'di mapulot ng iba.”

Watch more News on iWantTFC

 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.