Karla Estrada, may mensahe sa mga nais tumulong sa mga nasalanta ng Taal

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2020 12:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA --Naniniwala ang aktres na si Karla Estrada na walang pinipiling oras ang pagbibigay ng tulong.

Sa "Magandang Buhay" nitong Huwebes, hinikayat ni Karla ang mga nais pang magpaabot ng tulong para sa mga nasalanta ng Bulkang Taal.

"Sa lahat ng mga gustong tumulong, it's never too late. Kahit sa next month pa kayo tumulong. Personal niyong puntahan ang evacuees o nasalanta, okay lang po 'yon, walang maaga at huli kung gusto niyo pong tumulong," ani Karla.

"Sa amin pong grupo, ako ay personal na dinala at sinamahan ni Jason Gainza because Jason is from Batangas. Sabi ko sige pumunta tayo. Talagang passion din po ang pagpunta. Pupunta tayo para siguradong mailatag natin ng maayos 'yung mga itinulong natin. Kasi katulad ko marami akong mga kaibigan na nagpadala sa atin, ako lang po ang nag-deliver. So sinisiguro natin na makakarating ng maayos, matiwasa at diretso sa mga gusto nating tulungan," dagdag ni Karla.

Si Karla ay isa lamang sa mga artistang nagbigay na ng kanilang tulong sa mga napinsala ng Bulkang Taal.

Sa tulong ng kaibigan at kapwa artista na si Jason, nagtungo si Karla sa isang evacuation center sa Batangas City at namahagi ng relief goods.

Kuwento pa ni Karla, nanatiling positibo ang mga taga-Batangas sa kabila ng hindi magandang pangyayari.

"Alam mo nakakatuwa because personally nandoon ako. Ang mga kababayan natin kahit ganun na ang sitwasyon, 'yung mga evacuee nakukuha pa nilang makipagtawanan sa amin, makipaglokohan. Hanap sila ng hanap sa akin, dala ko raw ba si Daniel Padilla, sabi ko hindi ako kangaroo, wala akong pouch, hindi ko dala ang anak ko. Basta may tawanan, ang saya na nila," pagbabahagi ni Karla.

Maliban kay Karla, ang kanyang "Magandang Buhay" co-host din na si Melai Cantiveros at pamilya nito ay nagbigay na rin ng tulong sa mga nasalanta.

Sa mga nais tumulong maaring makipag-ugnayan sa ABS-CBN Sagip Kapamilya sa mga numerong (02) 3415-2272 at (02) 3411-4995.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.