Angel Locsin hanga sa co-stars sa 'The General's Daughter'

ABS-CBN News

Posted at Jan 16 2019 06:59 PM | Updated as of Jan 16 2019 08:25 PM

Gaganap si Angel Locsin sa "The General's Daughter" bilang sundalong pinalaki para patayin ang sariling ama.

Itinuturing ni Angel Locsin na "perfect moment" ang kaniyang pagbabalik-telebisyon sa pamamagitan ng "The General's Daughter" lalo at karamihan daw sa co-stars niya sa programa ay pangarap niyang makatrabaho.

Binitawan ni Locsin ang pahayag noong Martes sa press conference ng "The General's Daughter," na nakatakdang ipalabas sa Enero 21.

"I think ito 'yong perfect moment na babalik ako ng teleserye kasi parang nandito po lahat ng mga dream kong katrabaho," ani Locsin.

Ikinuwento ni Locsin na noong story conference para sa serye, natameme siya dahil sa pagkasorpresa sa mga artistang makakasama niya sa proyekto.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Kung alam niyo lang po 'yong excitement ko noong nalaman ko, nagkita-kita kami sa story con kung sino 'yong mga kaharap kong artista, hindi ako nakapagsalita talaga," sabi ni Locsin.

Hindi napigilan ni Locsin na magpahayag ng paghanga sa mga co-star na mga beteranong artista, partikular kina Maricel Soriano, Eula Valdez, at Janice De Belen.

"Hindi ko akalain na isang 'Diamond Star' makikita ko kung papaano siya off-cam and kung papaano kaganda 'yong mata niya 'pag umaarte siya," sabi ni Locsin ukol kay Soriano.

"Si Ate Janice [De Belen]... sobrang galing na galing na galing ako sa kaniya," aniya.

Kuwento pa ni Locsin, ginagaya niya noon si Amor Powers, ang karakter ni Valdez sa bersiyon ng "Pangako Sa 'Yo" noong 2000.

"Si Amor Powers na dating ginagaya lang namin noong high school tapos ngayon nakakausap ko siya," ani Locsin. 

Tampok din sa serye sina Albert Martinez at Tirso Cruz III, na gaganap bilang magkatunggaling mga heneral.

Kasama rin sa cast sina JC De Vera, Paulo Avelino, Arjo Atayde, Ryza Cenon, Ronnie Alonte, at Loisa Andalio.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ang "The General's Daughter" ang kauna-unahang serye na pagbibidahan ni Locsin makalipas ang limang taon. Huli siyang bumida sa "The Legal Wife" noong 2014 at nag-guest sa "La Luna Sangre" noong 2017.

Bibigyang buhay ni Locsin sa serye ang karakter ni Rhian, isang sundalong pinalaki para patayin ang kaniyang sariling ama.

--Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.