Yayo Aguila, hiling ang bagong pag-ibig para kay William Martinez

ABS-CBN News

Posted at Jan 15 2020 12:40 PM

Yayo Aguila attends the special screening of the film "Mia," which stars Coleen Garcia and Edgar Allan Guzman

MAYNILA -- Kung siya ang masusunod nais ni Yayo Aguila na muling magkaroon ng bagong pag-ibig si William Martinez, 12 taon matapos silang maghiwalay. 
 
"Alam mo 12 years na pero masaya kami. Ako nga gusto ko magka-girlfriend na siya kasi mag-isa lang siya sa bahay," ani Yayo sa panayam ng ABS-CBN News at iba pang miyembro ng entertainment media sa special screening ng pelikulang "Mia."

"Mag-isa lang din siya sa buhay. So iba pa rin 'yung may mag-aalaga sa kanya. Hindi ko na magagawa 'yon at saka bakit ko naman gagawin 'yon? Nandiyan naman 'yung mga anak niya, hindi ba? Pero iba 'yung may (makakasama siya). Kasi ito, sanay ito na may kausap. Nalulungkot ako na wala siyang kausap sa bahay, wala siyang kasama. So mas gusto ko yung mayroon at kung mayroon, gusto ko yung sana ay aalagaan talaga siya," dagdag ni Yayo.

Matatandaang 2010 nang inanunsiyo ni Yayo na hiwalay na sila ni William, ama ng kanyang apat na anak, matapos ang 25 taon nilang pagsasama.

Samantala, ibinahagi rin ni Yayo na masaya siya na muling nakatrabaho si William para sa pelikulang "Mia."

"Siyempre natutuwa rin ako na kasama ko si William rito, mag-asawa kami rito. ... Ito yata ang first movie namin together after (naming maghiwalay). Masaya ako, kasi kami ni William wala naman kaming problema kahit magtu-12 years na kaming hiwalay. Pagdating sa work, kung tatanungin mo ako, mas gusto ko siyang ka-partner, kung may choice ako kasi sanay na ako sa kanya at sanay na rin siya sa akin. So chill lang kami ganun, walang (problema) sa amin, friends pa rin kami," ani Yayo.

Palabas na ngayon sa mga sinehan ang "Mia" kung saan bida sina Coleen Garcia at Edgar Allan Guzman.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.