'Tao lang tayo, nagkakamali': Yeng, inaming mahirap para sa kanya ang 2019

ABS-CBN News

Posted at Jan 14 2020 02:39 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA -- Aminado ang mang-aawit na si Yeng Constantino na hindi naging madali ang taong 2019 para sa kanila ng kanyang asawang si Victor "Yan" Asuncion.

Sa "Magandang Buhay" nitong Martes, ibinahagi ni Yeng na malaking aral ang kanyang natutunan nilang mag-asawa noong nakaraang taon. 

"Kasi 2019 was really a roller-coaster ride for me and my husband. May mga nangyari talaga na ikinagulat din namin. At siyempre tayo ay nagkakamali bilang tao. Pero siguro one thing na natutunan ko po talaga is to humble yourself if you are wrong," ani Yeng.

"Pero ang sabi po sa akin ng kakilala ko, ang magde-define sa iyo ay hindi ang bilang nang pagkakadapa mo ngunit ang bilang kung gaano ka karaming beses tumayo," dagdag ni Yeng.

Ayon kay Yeng sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan ay mas tumatag ang kanilang pagsasama bilang mag-asawa. 

"Limang taon na po kami sa February. Siyempre nagbabago ang dynamics ng kilig, ng surprises kasi magkakilalang-magkakilala na kayo. Kumbaga minsan iisipin mo magsasawa na ba ako kasi limang taon na eh. Pero ang maganda roon, sa limang taon namin na relationship ni Yan ay nag-deepen ang friendship naming dalawa. Grabe 'yung pagkakaibigan namin ngayon. So kahit minsan, paminsan-minsan na lang 'yung pagpatak ng kilig pero kapag pumatak ang kilig ay sobrang todo kasi 'yung foundation ng relationship namin ay 'yung pagkakaibigan namin. So maganda siya, iba lang, iba," pagbabahagi ni Yeng.

Matatandaang nasangkot sa kontrobersiya si Yeng dahil sa isang vlog na nailabas niya tungkol sa naging karanasan nilang mag-asawa sa isang hospital sa Siargao.

Kamakailan lang ay lumabas naman ang balitang nakapagpiyansa na si Yeng matapos siyang humarap sa isang cybercrime complaint na nag-ugat sa kontrobersiyal niyang vlog. 

Pero bago matapos ang 2019 ay nakuha ni Yeng ang kanyang unang acting award. Nagwagi si Yeng bilang Best Supporting Actress sa katatapos na Metro Manila Film Festival para sa "Write About Love."