Malu Barry finds new love after split

BOY VILLASANTA, abs-cbnNEWS.com

Posted at Jan 12 2009 11:39 AM | Updated as of Jan 12 2009 07:39 PM

"We are still civil to each other,” pagtukoy ng mahusay na mang-aawit na si Maly Barry sa isang heneral ng militar noong Sabado ng gabi sa kaarawan ng popular na fashion designer na si Goulle Gorospe sa Moomba Bar sa panulukan ng Mother Ignacia at  Roces Avenue sa Quezon City.

Ang opisyal ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas na naging kasintahan ni Malu ay mananatili aniya na mahalagang bahagi ng kanyang buhay.

“Hindi lang dahil may anak kami kundi talagang minahal ko siya at ngayon ay we are still the best of friends,” pahayag ni Barry.

Pagkatapos naman ng romansa ni Malu sa herenal ay isang abugado ang kanyang nakilala sa pamamagitan ng barkada.

“He’s a very nice, good-looking guy and very loving,” sabi ni Malu pagkatapos ay pinakawalan niya ang isang malutong na halakhak.

Binata anya ang abugado kaya malaya sila sa pag-ibig.

Gayunman, wala pa ani Malu silang pormal na kasunduan ng lawyer.

“He’s there when I need him most kaya paano mo naman siya hindi igagalang. He respects me so much kaya I give him the due respect,” wika ng singer na magkakaroon ng show sa Teatrino sa Greenhills sa ika-29 ng Enero, 2009.

“Siyempre, nandoon ‘yong lawyer at manonood siya. Would you believe, hindi pa niya ako naririnig na kumanta sa concert? Kaya inihanda ko na ang sarili ko sa show ko na nando’n siya,” nangingiting sabi ni Malu.

Ang gusto sana ni Barry ay makatagpo na ng lalaking kanyang pakakasalan at umaasa siyang ang abugado ang kanyang hinahanap.

“Gusto ko nang lumakad sa harap ng altar with matching white gown. ‘Yan ang New Year’s wish ko,” sabi ng mang-aawit.

Aminado si Barry na hindi maganda ang kanyang kapalaran sa pag-ibig mula sa una niyang kasintahan sa lalawigan ng Davao hanggang sa basketball player na si Bernard Fabiosa hanggang sa aktor na si Gino Ilustre at sa heneral.

Gayunman, maligaya siya kanyang mga anak. “They are my angels,” patunay niya.

Kakanta anya ang kanyang anak kay Fabiosa sa concert. “Lahat ng mga anak ko, may boses,” pagmamalaki ni Malu.

Nasa Amerika anya si Bernard pero may komunikasyon ang dating PBA player sa kanilang anak.