BRUNEI - Itinampok sa Brunei Film Blitz 2022 ang ilang pelikulang Pilipino na idinaos noong December 26, 2022 sa Mahakarya Institute of the Arts Asia. Nakilahok sa event ang Sentro Rizal-Brunei sa ilalim ng Embahada sa Brunei Darussalam sa pangunguna ni Consul General Pete Raymond V. Delfin.
Ang nasabing filmfest ang itinuturing na kauna-unahang film festival sa Brunei Darussalam na itinaguyod ng Ministry of Primary Resources and Tourism taong 2017 bilang bahagi ng taunang Brunei December Festival. Layon nitong isulong ang cultural awareness at cinema literacy sa pamamagitan ng sining ng pelikula.
Mga lumahok sa Brunei Film Blitz 2022
Ayon pa sa Embahada, ito ang kauna-unahang pagbabalik ng filmfest mula nang tumama ang pandemya at apat na pelikulang Pinoy ang ipinalabas sa Philippine Night noong December 26. Nakilahok na rin ang Sentro Rizal-Brunei ng Pilipinas sa Brunei Film Blitz taong 2018 at 2019 mula na rin sa imbitasyon ng Brunei Ministry of Primary Resources and Tourism bilang pagsusulong sa Philippine cinema sa international audience at sa mga aspiring filmmaker sa Sultanate.
Tatlo sa mga pelikulang ipinalabas ang co-presented ng Film Development Council of the Philippines o FDCP) at ng UniPhilippines sa pamamagitan ng Philippine Embassies Assistance Program:
- Oppa-Wikan, isang multilingual short film nina Tracy Tang at Hanz Florentino na nagwagi ng 2020 Sinulog Film Festival Best Screenplay, Best Supporting Actor and Actress at Second Best Picture
- Forever, isang Hiligaynon-language short film ni Domingo Molina
- Ma’ Rosa ni Brillante Mendoza na nakasungkit naman ng 2016 Best Actress Award sa Cannes Film Festival at Best Director Award sa Gijón International Film Festival
Isa pa sa pelikulang Pinoy na kasama sa filmfest ang 2019 hit movie na Isa Pa with Feelings ni Prime Cruz na prinoduce ng Black Sheep sa ilalim ng ABS-CBN Films kasama ang APT Entertainment.