Star Patroller Julia Montes, gustong makapanayam ang mga beterano

ABS-CBN News

Posted at Jan 10 2018 08:29 PM | Updated as of Jan 10 2018 08:48 PM

Michael Bagtas, ABS-CBN News

Hindi matatawaran ang husay ni Julia Montes pagdating sa pag-arte.

Pero nitong Miyerkoles, sa unang pagkakataon, ibang papel ang ginampanan ng 22 anyos sa kaniyang pagsalang bilang guest Star Patroller sa news program na "TV Patrol."

Humalili si Montes kay Gretchen Fullido at naghatid ng mga balitang showbiz tulad ng balik-tambalan nina Jodi Sta. Maria at Richard Yap na nilahukan pa ng pagsama ni Robin Padilla, feng shui prediction kina John Lloyd Cruz at Ellen Adarna, at baby shower para sa ikalawang anak nina Sarah Lahbati at Richard Gutierrez.

Kasabay ng karanasan, ipinahayag ni Montes ang kaniyang pagkabilib sa mga showbiz reporter.

"Grabe, saludo ako sa kanila," sabi ni Montes sa ABS-CBN News.

Ani Montes, kung mabibigyan ng pagkakataon, nais niyang makapanayam ang mga batikang aktor na sina Eddie Garcia at Vilma Santos.

Naging tanyag si Montes sa kaniyang pagganap bilang Clara del Valle sa teleseryeng "Mara Clara," pero bata pa lang ay lumalabas na ito sa telebisyon gaya ng programang "Goin' Bulilit."

Bibida si Montes ngayong 2018 sa seryeng "Asintado," kasama sina Shaina Magdayao, Paulo Avelino, at Aljur Abrenica. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.