Paano nagpapakita ng debosyon ang ilang bituin sa Nazareno?

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 06:02 PM | Updated as of Jan 09 2020 07:10 PM

Ilan sa mga sikat na deboto ng Itim na Nazareno sina Coco Martin, Angeline Quinto, at McCoy de Leon.

Saan man makarating sa buhay at karera, dala pa rin ng ilang deboto ng Itim na Nazareno ang kanilang buo at matibay na paniniwala sa Poon.

Isa rito ang superstar na si Coco Martin, na gabi pa lang ng Miyerkoles, bisperas ng Traslacion, ay tahimik na dumalo ng misa sa Quiapo Church.

Sa dating panayam sa "Ang Probinsyano" star, ikinuwento nito na hindi pa siya sikat ay halos taon-taon siyang nakikiisa sa Traslacion o iyong pagprusisyon sa imahen ng Itim na Nazareno mula Quirino Grandstand hanggang Quiapo Church.

Naniniwala rin ang aktor na ang kaniyang karera sa showbiz ay sagot sa mga dasal niya noon sa Nazareno. 

Watch more in iWantTFC

Bimpo, damit at panyo naman ang ilan sa mga bagay na nagpapaalala kay Hashtags member McCoy de Leon sa mga nakaraang Traslacion.

Higit pa raw sa kaniyang mga hiniling noon ang ibinigay sa kaniya ng Itim na Nazareno.

"'Yong hiniling ko noon, maging maayos lang ako sa eskuwelahan ko, makapasa sa exams ko, at maging maayos lang 'yong family ko, health nila," kuwento ni De Leon.

"Hindi lang pala iyon 'yong ibibigay sa'yo, sobra-sobra pa, nagkatrabaho pa ako, pumasok pa ako ng showbiz," aniya.

Gaya nina Martin at De Leon, deboto rin ng Itim na Nazareno ang mang-aawit na si Angeline Quinto.

Taon-taon din siyang umaakyat at humahawak sa andas.

Ayon kay Quinto, ang debosyon sa Itim na Nazareno ay turo ng kaniyang ina noong 8 taong gulang pa lang siya.

Isang novena prayer book at necklace ang nagpapaalala kay Quinto sa kaniyang debosyon, na araw-araw raw niyang dala.

"Lagi ko talagang dala... kasi parang nakasanayan ko na rin. Bilang isang Katolika, talagang malaki 'yong paniniwala natin na sila 'yong guidance," ani Quinto.

Ngayong taon, may bagong hiling si Quinto sa Nazareno.

"Sana magkaroon ng peace of mind ang bawat isa, lalo kasi ang dami ko ring kaibigan o kakilala na dumadaan sa depression. Sa panahon ngayon, 'yon 'yong lagi kong pinagpe-pray," aniya.

-- Ulat ni MJ Felipe, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.