Bigating performers magso-showdown sa iba't ibang Valentine's concert

ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2020 08:03 PM | Updated as of Jan 09 2020 11:24 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pagkatapos ng Metro Manila Film Festival, aabangan naman ang showdown ng sari-saring Valentine's shows sa Pebrero kung saan tampok ang sangkaterbang OPM icons.

Binansagang "The Homecoming" ang comeback concert ng West End at Broadway star na si Rachelle Ann Go na gaganapin mismo sa Valentine's day sa Resorts World.

Baluwarte naman nina Sarah Geronimo at Regine Velasquez ang Araneta Coliseum sa kanilang 2-night "Unified" concert kung saan general admission na lang ang natitirang tickets.

Kasama si Zsa Zsa Padilla, bibida naman sa "DIVA 2 DIVA 2" sina Kuh Ledesma, Mitch Valdez, at Nanette Inventor sa Manila Hotel sa Pebrero 13.

Bago 'yan, itatanghal ang 40th anniversary show ng Music & Magic band kasama sina Ledesma, Angeli Pangilinan, Fe de los Reyes, Jet Montelibano, at iba pa sa Resorts World.

Throwback concert din ang hatid ng 90's OPM idols na sina Dong Abay, Basti Artadi, Wency Cornejo, at Jett Pangan sa Music Museum.

Hahataw naman si Arnel Pineda kasama si Yeng Constantino sa "Let It Rock" concert sa New Frontier sa Pebrero 16.

Magre-reunion naman sina Martin Nievera at Pops Fernandez sa "TWO-Gether Again" concert sa Solaire.


—Ulat ni Mario Dumaual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.