KILALANIN: Unang grupong nakakuha ng 'PGT 6 Golden Buzzer'

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Jan 09 2018 01:25 AM

Watch more in iWant or TFC.tv
Courtesy: DNGS Noel Gapasin

Naging makapigil-hininga ang pagtatanghal ng grupong "Bardilleranz" mula Baguio City sa Pilipinas Got Talent (PGT) Season 6.

Binubuo ng calisthenics o street workout ang kanilang routine gamit ang pull-up bars.

Namangha sa kanilang pagtatanghal ang judge na si Vice Ganda habang napatayo naman sa kanilang upuan sina Robin Padilla at Angel Locsin.

Ipinayo naman ni Freedie M. Garcia na mag-ensayo pa ang grupo. 

Ito'y bago niya ibigay ang kauna-unahang golden buzzer ng season.

“Hindi po talaga namin ine-expect na ma-go-golden buzzer kami, no'ng sinabi niyang mag-practice kami, nawalan na kami ng pag-asa, pero nung tumayo siya, sabi namin, ito na yun, this is it,” sabi ni Jospeh Halog, miyembro ng Bardilleranz.

Isang beses lang maaaring pumindot ng golden buzzer ang judge sa buong season ng PGT. 

Ibig sabihin, awtomatikong pasok sa susunod na round ang grupo o indibidwal na makatanggap nito anuman ang desisyon ng ibang judge. Pasok na ang Bardilleranz sa semifinals.

Courtesy: DNGS Noel Gapasin

Tatlong taon na ang grupo. Nagkakilala ang mga miyembro nito nang dahil sa hilig sa pagwo-work out. 

“It’s more about pull-ups and body weights, pero no'ng nag-move further po kami, mayroon po pala siyang creativity. Tapos doon po pumapasok yung freestyle tricks po,” kuwento ni Edward Bambico, miyembro rin ng grupo.

Todo suporta rin ang kanilang mga pamilya na talaga naming ipinagmamalaki ang grupo.

Kung napabilib raw nila ang judges sa unang pagtatanghal, marami pa silang mas kaabang-abang na gagawin sa mga susunod na round.

“Actually 'yong ipinakita namin, warm-up pa lang po 'yon. Sa next, abangan niyo po 'yong mas matinding peformance, mas thrilling ‘yon,” ani Ortis Tinda, isa pang miyembro ng grupo.

Ilan sa mga dating sumali at nakilala sa Pilipinas Got Talent mula Baguio City ay ang grupong Baguio Metamorphosis, Power Puff Corn, Baguio Boom Boom Boys o B4, at si Ingrid Payaket.

Layunin ng Bardilleranz na mapasama sa Grand Finals o maiuwi ang kampeonato sa PGT Season 6.

Courtesy: DNGS Noel Gapasin
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.