Judy Ann pressured sa pagganap bilang Mother Lily sa pelikula

ABS-CBN News

Posted at Jan 07 2020 03:46 PM | Updated as of Jan 07 2020 07:33 PM

Inamin ng aktres na si Judy Ann Santos na nakararamdam siya ng pressure sa pagganap bilang si Lily Monteverde sa inaabangang biopic o pelikula ukol sa buhay ng beteranang film producer.

"I'm super pressured and super tensed because she is Mother Lily and sino bang hindi nakakakilala sa kaniya?" ani Santos sa panayam ng ABS-CBN News.

Ayon kay Santos, marami na siyang nakausap para matulungan siya sa pagganap kay Mother Lily, na ilang taong humawak sa entertainment firm na Regal.

Nakatakda na ring sumalang sa workshop si Santos para sa kaniyang pagganap.

Ayon daw sa producer na si Dondon Monteverde, anak ni Mother Lily, at direktor ng biopic na si Erik Matti, mismong ang beteranang producer ang pumili kay Santos para gumanap rito.

Watch more in iWant or TFC.tv

"When Dondon and Erik Matti told me that Mother Lily chose me to play her, as the young Mother Lily, siyempre natuwa naman ako pero ang una kong tanong, 'Bakit po ako?'" aniya.

Isa raw sa mga kinatatakutan ni Santos ang pagganap sa biopic pero handa raw siyang harapin ang takot na ito ngayong taon.

Bukod sa biopic, mayroon pang isang nakakasang pelikula si Santos para sa taong ito.

Kaugnay naman sa nalalapit na pagtatapos ng teleseryeng "Starla," sinabi naman ni Santos na masaya siyang makaka-move on sa mga susunod pang proyekto ngayong 2020.

"Mas happy kasi alam mong nakapag-impart ka ng magandang values sa mga tao. Nabuhay 'yong hope sa kanila, sa mga bata," ani Santos.

Isa raw sa mga mami-miss ni Santos sa pagiging bahagi ng serye ang bonding nila ng mga katrabaho.

"Of course, nakapag-build kayo ng relationship, naging family na kayo sa isa't isa," aniya. -- Ulat ni Ganiel Krishnan, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.